Monday , December 23 2024

PDU30 gustong ipahamak kasaysayan binabaluktot ni party-list rep. Roque

00 Kalampag percySi Roque ay kasamang sumabit at umangkas sa biyahe ni Pang. Rody sa Japan. Nagpatawag ng sariling press briefing si Roque para ipagyabang na sinulsolan niya si Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Perfecto Yasay na payuhan ang pangulo na paghandaan agad nila ang pagbisita sa Estados Unidos bago gumawa ng mga hakbang ang gobyernong Kano para pabagsakin si PDU30.

Saan kaya hinugot ni Roque ang ideya na sakaling maisipan ng ating pangulo ay basta na lamang siya aalis at sasakay ng eroplano para pumunta sa Estados Unidos nang walang kaukulang paanyaya mula sa bansa na kanyang dadalawin?

Kundi man napapraning na mistulang naka-droga si Roque ay posibleng may lihim siyang agenda o sinister plot para ipahamak si Pang. Duterte na dati ay wala siyang ginawa kundi banatan.

Sa palagay kaya ni Roque, sa tindi ng kumukulong pagkaasar ng mga Kano kay PDU30 ay pabalikin pa siya dito sa sandaling tumuntong ang kanyang mga paa sa teritoryo ng Estados Unidos?

ERAP INUTUSAN BA SI ROQUE?

PERO ang pinakamasamang sinabi ni Roque ay pagbaluktot niya sa kasaysayan kung bakit bumagsak si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na ikinompara niya kay Pang. Duterte.

Pinararatangan ni Roque ang Estados Unidos na siyang nasa likod ng pagpapatalsik kay Erap sa puwesto, isang alamat na kuwento na minsan ko nang narinig mula mismo sa bibig ng ex-convict na dating pangulo.

Sa kagustuhan niyang langgasin ang mantsadong pagkatao ni Erap ay gumagawa ng maling kuwento si Roque, kesehodang salaulain at baluktutin ang kasaysayan.

Walang kamalay-malay si Roque na iniinsulto niya pati si Pang. Duterte na isa sa mga noo’y miyembro ng House of Representatives na bumoto sa impeachment at pagpapatalsik kay Erap sa puwesto.

Malinaw ang kasaysayan na si Erap ay pinatalsik ng mamamayan sa puwesto noong 2001 dahil sa pag-abuso sa kapangyarihan at nahatulang guilty ng Sandiganbayan sa kasong pandarambong sa salapi ng taongbayan.

Kinuha ni Erap ang iniimpok na hulog ng mga empleyado sa pamahalaan na nakalagak sa GSIS at ang pera ng mga miyembro ng SSS.

Inutusan niya ang mga pinuno ng dalawang nabanggit na ahensiya para ang bilyones na pondo ay ibili ng shares of stocks o sapi sa BW Resources, isang bagong kompanya noon na isinali sa stock exchange at pag-aari ng kanyang crony-dummy na si Dante Tan. (Hanggang ngayon, si Tan ay nagtatago pa sa ibang bansa).

Kay Erap ko narinig ang kuwentong ‘yan nang maging panauhin siya sa isang media forum at nagbanta siyang ibubulgar ang mga Kano sa isang aklat na kanyang isusulat. Pero hanggang ngayon, ang aklat na sinabi ni Erap na ‘di umanoy maglalathala sa isang sulat sa kanya ng isang Secretary of State ng America para bawiin ang kanyang utos na all out war sa Mindanao.

Kaya pinababawi noon ng kano ang order ni Erap, sandamakmak kasi na mga walang-malay na sibilyan ang nalipol sa Mindanao ang nadamay, imbes ang mga reblede at bandido lang.

Kahit ano pang gawin ni Roque at ng mga bayaran, hindi na nila mababago pa ang katotohanang si Erap ay ex-convict o kriminal, period. Kaya lang naman naging congressman si Roque ay tumakbo siyang partylist kahit wala namang sector na kinakatawan. Hindi yata alam ni Roque, mabigat na kasalanan ang pagbaluktot niya sa kasaysayan.

Parang sinabi na rin si Roque na ang mga grupong maka-kaliwa na sumama sa EDSA II para pabagsakin si Erap sa puwesto noong 2001 ay nagpagamit sa Kano kung ‘di man nabayaran para mapatalsik si Erap.

Pero may duda ang marami na ang mga kilos-protesta ngayon sa harap ng US Embassy ay diversionary tactic ng isang dayong politiko sa Maynila para pabagsakin si Pang. Duterte bago mabulgar na kasama siya at ang anak sa narco-list na hawak ni Pang. Duterte. Bakit panay na panay ang rally sa Maynila ng mga maka-kaliwa ‘pag wala sa bansa si PDU30 gayong may ongoing peacetalk sila at ang pamahalaan?

PICHAY NAGMAMALINIS

NAGHAIN daw ng reklamo si Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay reklamo kaugnay ng naganap na singhalan sa pagitan nila ni Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers sa isang pagdinig kamakailan ng House of Representatives Committee on Charter change.

Kawalan daw ng paggalang hindi lamang sa kanya kung ‘di sa buong Kamara ang inasal ni Barbers, batay sa Section 138, Rule XIX ng House Rules on code of conduct para sa mga congressman: “shall act at all times in a manner that shall reflect creditably on the House,” sabi ni Pitsa, este, Pichay pala.

Hindi naman daw ito ipinagtaka ni Barbers na nagsabing iginagalang niya ang karapatan ni Pichay na maglinis-linisan, este, magreklamo. ‘Yun nga lang, mababaw lang naman ang inihain niyang kaso kung ikokompara sa ikinanta ni Jaybee Sebastian sa imbestigasyon ng House Committee on Justice na si Pichay ay kabilang sa mga opisyal ng pamahalaan na tumutulong kay drugs convict Herbert Colanggo para makakuha ng special VIP treatment sa New Bilibid Prison (NBP).

Nagtataka nga tayo kung bakit sa dinami nang kinasasangkutang kaso ng katiwalian ni Pichay, ang walang kakuwenta-kuwentang singhalan pa ang ikinahiya umano ni Speaker Bebot Alvarez. Hindi ba ang talamak na katiwalian sa Kamara na wala namang napapakinabang ang mamamayan ang dapat nilang ikahiya at imbestigahan, imbes pag-aksayahan ang walang kabuluhang singhalan nina Pichay at Barbers ang pag-aksayahan nila ng panahon?

Kung makapostura si Pichay, akala mo kung sinong disente at malinis pa kay Virgin Mary, gayong tadtad naman ng kasong pagnanakaw. Kunsabagay, ngayon lang naman nakapaghain ng reklamo si Pichay dahil nasanay na tayong siya ang inirereklamo at nakakasuhan. Malaki ang matitipid ng taongbayan sa gastos kung buwagin na lang ang walang katuturang Ethics Committee ng Kongreso na walang pakinabang.

Si Pichay ay dating seminarista kaya natatakot tayong mapuwesto at madagdagan ng mga tulad niya ang gobyerno. Sana, isinama ni Pang. Duterte ang mga congressman sa mga puwedeng sampalin ng mamamayan kapag nasangkot sa katarantaduhan, lalo sa pagnanakaw.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *