MAY nagtanong din sa amin, ano raw ba ang masasabi namin na natalo na naman si Nora Aunor ng isang baguhan, iyong si Laila Ulao, bilang best actress doon sa film festival sa Quezon Cit? . Eh talagang ganoon naman, pana-panahon lang iyan. At saka bakit ano nga ba ang issue roon. Hindi lang naman ngayon, bale tinalo na ng dalawang baguhan si Nora noon. Hindi ba tinalo na rin siya ni Teri Malvar, tapos inilampaso naman ni Hasmine Kilip ang kanyang acting. So, ano pa ang bago kung talunin man siya ngayon ni Laila Ulao?
Una, hindi naman sa kani-kanino, pero hindi na namin alam kung paano pa uusad ulit ang career ni Nora. Wala na si Kuya Germs, at kamakailan namatay na rin siBoy Palma. Hanggang ngayon naman, hindi pa natutuloy ang sinasabi niyang pagpapa-opera ng kanyang lalamunan para makakanta siya ulit. May mga nagbigay na ng donasyon para riyan, pero ewan lang namin kung naroroon pa rin ang pondong iyon. Dapat noong July pa siya inoperahan, eh matatapos na ang Oktubre. Palagay namin wala na rin iyan.
Ang kailangan sa career ni Nora ngayon ay hindi na build up. Ang kailangan ay isang milagro na. Aminin na dati naging superstar siya talaga, pero sa panahon ito na marami ng mas sikat na mga batang artista. Iyong mga bata na ang kinababaliwan ng masa. Pelikula nila ang kumikita. Natural sila ang igagawa ng mga malalaking pelikula. Sila iyong makapagbabalik ng puhunan ng mga producer eh. Sila ang makapagtutuloy ng industriya. Hindi iyong mga pelikulang hindi naman kumikita.
HATAWAN – Ed de Leon