SABIK na sabik sa pagbisita ni Pang. Rody Duterte ang mga kababayan nating nakabase sa bansang Japan.
Kahapon, maagang nagtipon ang pulutong ng mga kababayan nating Pinoy sa ilang kalsada sa Tokyo kahit masulyapan man lang ang pagdaan ng ating pangulo.
Pero kahit may hinanakit sila laban sa Philippine Embassy officials sa Tokyo dahil sa hindi pagbibigay ng pagkakataong makasama sila sa Filipino community na makakaharap ni PDU30, gumawa sila ng sarili nilang paraan para maipadama sa ating pangulo ang kanilang lubos na kagalakan na makita siya sa kanyang pagdalaw doon sa Japan.
Nakiusap sila sa inyong lingkod na kung maaari ay makarating sa pangulo ang kanilang pananabik na makawayan at malapitan sila kahit bahagya sa pagdaan ng kanyang sasakyan sa kanilang harapan.
Narito po ang ilang bahagi ng ipinarating na mensahe mula kay Yuko Takei, isang Filipino community leader ng organisasyongPHILIPPINE-JAPAN FRIENDSHIP ALLIANCE NETWORK:
“We have been informed that a lot of many Filipinos based in Japan have expressed their desire to meet and welcome President Rodrigo R. Duterte to Japan but are unable to be accommodated by the Philippine Embassy.
Thus, we have arranged to meet with those rejected by the Philippine Embassy to come and join us at the Hard Rock Cafe on 25 October 2016 where we plan to meet between 12 noon and 1:00 p.m. Hard Rock Cafe is easy to find as it is the coffee shop beside Tony Roma at the back of Roi Bldg at the corner of the street going to the Embassy. It is easy to find because there is a big guitar in front of it.
BTW, iyong embassy pinili lang ang makikipagkita kay Digong kaya iyong 400 na gusto siyang makita na ayaw papasukin sa Palace Hotel, hanggang kalye na lang. Ayaw pang bigyan ng bandila (small flags) para kahit man lang anino ni Digong masilip nila. We are in fact trying to get them to line up the streets at the venue (Palace Hotel) para makita sila ni Digong at malaman kung paano tratuhin ng mga alaga ni Aquino ang mga Pilipino rito. Percy, pakibanggit sa programa mo. Kung puwede pakisabi kay Digong!”
Kaya naman kahapon ay sinikap namin na makapanayam si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre “Manong Bebot” Bello III upang sa pamamagitan niya ay maiparating sa pangulo ang munti nilang asam.
Nangako si Sec. Bello na kanyang personal na ipararating ang kanilang pakiusap habang magkasama sa sinasakyan patungong Japan.
Harinawa ay nakaabot sa kinauukulan ang kanilang pakiusap dahil malaki rin naman ang sakripisyo at ipinuhunan ng mga kababayan natin sa Japan mula sa panahon ng kampanya hanggang sa pagbabantay pagkatapos ng eleksiyon.
Mabuhay!
2 KASO PA VS PICHAY
NAHAHARAP na naman si Surigao del Sur Representative Prospero “Butch” Pichay Jr., sa panibagong kaso ng paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).
Si Pitsa, este, Pichay ay sinampahan ng dalawang kasong kriminal sa pagdispalko ng halagang P1.5 milyong pondo noong siya pa ang namumuno bilang chairman ng Local Water Utilities Administration (LWUA).
Ito ay hiwalay sa naunang kinakaharap na kaso ni Pichay sa Sandiganbayan tungkol sa maanomalyang pagkakabili sa nabangkaroteng banko na pag-aari ng pamilya ng mag-amang William “Plastic King” Gatchalian at anak na si Sen. Sherwin Gatchalian gamit ang pondo ng LWUA.
Ayon kay Assistant Special Prosecutor Maria Janina Hidalgo, ang winaldas na pondo ng LWUA ay ginamit sa isang patimpalak ng National Chess Federation of the Philippines noong taong 2010.
Tulad sa kaso ng bangkaroteng banko ng mga Gatchalian, wala sa mandato at charter ng LWUA na gamitin ang pondo nito bilang “sponsor” ng “2nd Chairman Prospero Pichay Jr., Cup International Chess Championship” o anomang patimpalak.
Kasamang kinasuhan bukod kay Pichay ang dating LWUA administrator na si Daniel Landingin, dating senior deputy administrator Emmanuel Malicdem, at Wilfredo Feleo na dating deputy administrator for investment and financial services.
Lumalabas na ginamit ni Pichay ang pera ng LWUA at bumoto siya na aprubahan ang pagsandok ng cash sponsorship sa isang patimpalak para parangalan ang kanyang sarili, na kung tawagin ay self-serving.
Malikot na nga ang kamay, patay-gutom pa sa karangalan!
PICHAY AT COLANGGO MALAPIT SA ISA’T ISA?
NANG tumestigo ang bilanggong si Jaybee Sebastian sa isinagawang imbestigasyon ng House of Representatives Committee on Justice ay nabanggit niya sina Pichay at retired PNP Gen. Nicolas Pasinos.
Pero hindi ba kayo nagtataka kung bakit wala man lamang nagbanggit ng pangalan nila sa media matapos silang pangalanan ni Sebastian na kabilang sa mga tumulong kay drug convict Herbert Colanggo na mabigyan ng special VIP treatment sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP)?
Si Pasinos, dating hepe sa Maynila ng noo’y Western Police District at kabilang sa 7 top PNP officials na ipinasibak sa puwesto ng National Police Commission (Napolcom) dahil sa jueteng, ay asawa ng nakababatang kapatid na babae ni Pichay.
Nakapagtataka na wala man lamang ni isang congressman ang nagtangkang tanungin si Jaybee Sebastian sa pagdawit niya sa pangalan nina Pichay at Pasinos.
Ano kaya ang lihim na kaugnayan kung bakit sa tono ng testimonya ni Sebastian ay nagpapahiwatig nang pagiging malapit nina Pichay at Colanggo sa isa’t isa?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid