ANG pahayag ni President Duterte nang humarap sa Filipino community sa China na pinuputol na niya ang ugnayan natin sa bansang Amerika at higit na aasa sa mga Intsik sa hinaharap ay nakabibigla.
Sa kanyang mga huling talumpati ay kinuwestiyon ng Pangulo kung ano ang nagawa ng Amerika para sa Filipinas? Panahon na raw para magpaalam sa mga Amerikano dahil sila lang ang nakinabang sa pamamalagi nila sa ating bansa.
Sa halip na sagutin ang pahayag ni Duterte ay inilagay ng American embassy sa Facebook ang ginagawa nilang pagtulong, tulad ng programang pinondohan ng US na nagtuturo ng negosyo at technical skills sa mga anak ng magsasaka.
Nag-post din sila sa Facebook ng pagbisita kamakailan ni US Foreign Assistance Resources Director Hari Sastry sa Bohol upang pagtibayin muli ang pangako ng Amerika na susuportahan ang pagpapaunlad sa lalawigan.
Nais daw nilang makita ang pag-unlad ng Tagbilaran City sa Bohol, na partner ng United States Agency for International Development (USAID) sa programang Cities Development Initiative.
Bukod diyan ay hindi maikakaila na marami tayong kababayan na nailigtas at nabigyan ng pangalawang buhay ng mga rumespondeng kawal na Amerikano sa panahon ng kalamidad. Mabilis din ang Amerika sa pagbibigay ng tulong pinansyal kapag tinamaan tayo ng trahedya.
Maraming naitulong ang Amerika sa atin. Paano matatanggap ng mga Filipino, lalo ng mga naninirahan sa US o umaasa ng kanilang ikabubuhay sa mga Amerikano, ang biglaang pakikipagkalas sa US?
Nagbabala ang ilang senador na ang pagputol ng ugnayan natin sa Amerika ay maaaring magdulot ng negatibong implikasyon. Dapat daw itong pinag-aralan nang husto at hindi basta-basta isiniwalat. Hindi raw dapat ibasura ang ugnayan kanino man at dapat maging kaibigan ng lahat.
Hindi nga naman perpekto ang relasyon natin sa Amerika, pero hindi rin maituturing na kaibigan ang isang bansa na nagtayo ng mga artipisyal na isla sa ating karagatan.
Sa isang survey kamakailan ay lumabas na Amerika ang higit na pinagkakatiwalaan ng karamihan ng Filipino at China ang pinagdududahan.
Kumambiyo rin si Duterte nang bumalik sa bansa at sinabing ang tinutukoy niya ay pakikipaghiwalay sa foreign policy at hindi sa diplomatic ties.
Ang tampo ni Duterte noong estudyante siya ay hindi siya nabigyan ng American visa. Pero higit pa rito, noong alkalde siya ay itinakas ng mga nagwagayway ng tsapa ng FBI ang isang Amerikanong bomber sa Davao City. Maliwanag na pang-iinsulto ito sa mga batas ng Filipinas.
Kung halimbawang magalit ang Amerika at putulin ang ugnayan sa Filipinas ay mababawasan sila ng lugar na masasabing strategic sa kanilang depensa. Maliit na bagay ito kompara sa magiging epekto sa ating ekonomiya.
Lalong malaking problema kapag nawalan ng trabaho ang higit isang milyong Filipino na naglilingkod sa mga call center. Sasaluhin kaya sila at bibigyan ng kapalit na trabaho ng China?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.