Friday , November 22 2024

Pamana ni Sen. Miriam

00 Kalampag percySAYANG, kakaunti na nga ay nabawasan pa tayo ng isang lider sa bansa na nagmamalasakit sa rule of law na katulad ni Sen. Miriam Defensor Santiago sa kanyang maagang pagpanaw kamakailan.

Mabibilang na ngayon sa daliri ang tulad niyang may malalim na paninindigan sa panig ng rule of law at walang sinasanto kahit sino pa ang masagasaan.

Para kay Sen. Miriam, ang tama ay tama at ang mali ay mali kaya sa maraming pagkakataon ay hindi niya basta palalagpasin o hinayaan ang pagsira sa ating mga batas.

Kung tulad ni Sen. Miriam ang mga na nasa pamahalaan – lalo ang mga nagsipag-aral ng batas – ay walang dahilan para lumago ang krimen at mga kriminal sa bansa.

Hindi sana darami ang mga magnanakaw at mandarambong sa ating pamahalaan kung ang mga namumuno sa bansa mismo ang unang magpapakita nang paggalang sa batas.

Pero kung tayong mga mamamayan mismo ang maninindigan sa simulaing itinaguyod ni Sen. Miriam sa pagpapahalaga sa rule of law ay isa-isang babagsak sa trono ang mga kawatan, tulisan at magnanakaw sa pamahalaan, kasama na ang mga drug lord.

‘Yan ang mahalagang legacy o pamana ni Sen. Miriam na kanyang isinalin at iniwan sa atin.

ANG BATAS AY BATAS
PARA KAY SEN. MIRIAM

KUNG hindi maagang pumanaw si Sen. Miriam, walang puwang na makabalik sa puwesto ang mga napatalsik sa pamahalaan at nahatulang tumampalasan sa sambayanan.

Matapos panigan ng Supreme Court (SC) ang Commission on Elections (Comelec) na pinayagang muling makatakbo si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada noong January 2015, agad naghain si dating Sen. Miriam ng panukalang amiyendahan ang Republic Act 7080 o Plunder Law.

Agad naghain noon din si Sen. Miriam ng Senate Resolution 2568 bilang tahasang pagpapakita ng kanyang pagkadesmaya sa desisyon ng SC na ang isang sentensiyadong tulad ni Erap ay pinapayagan na muling makatakbo.

Sa ilalim ng nasabing panukala, nais ni Sen. Miriam na maging imposible sa sinomang pinal na ang naging hatol sa kasong plunder o pandarambong na tulad ni Erap at para ganap nang matanggalan ng karapatan na makatakbo o makahawak pa ng puwesto sa pamahalaan.

“It should then be unthinkable for a public servant, who was convicted by final judgment of the crime of plunder, to be allowed to hold office once more. Public office is not the venue to test the limits of one’s ability to tune from his evil ways,” aniya.

Nais din ni Sen. Miriam na manatiling suspendido sa tungkulin ang sinomang nililitis o may nakabinbing kaso ng plunder.

Ayon kay Sen. Miriam, “recent developments have shown that it is possible, by some legal maneuverings, for one who has been convicted of heinous crime of plunder to run and be reelected into office.”

Ang pandarambong ng halagang P50 milyon o higit pa mula sa pera ng bayan, ani Sen. Miriam, ay isang mabigat na krimen na hindi karapat-dapat sa patawad.

Para kay Sen. Miriam, ang batas ay batas na dapat ipatupad kahit sino pa ang tamaan.

MORO-MORO NI ERAP
SA ILLEGAL NA DROGA

GUMAGAWA ng sarili niyang diskarte si Erap para magkunwaring suportado niya ang inilunsad na giyera ni Pang. Rody Duterte kontra ilegal na droga.

Ang masama, isinasakay niya ang kanyang “personal hidden agenda” sa kampanya ni PDU30 kontra ilegal na droga.

Kesyo ipasasailalim daw niya sa mandatory drug test lahat ng barangay officials sa Maynila kasunod ng pagkakapatay sa isang barangay chairman sa Quiapo na umano ay sangkot sa droga nitong nakaraang Lunes.

Kapuna-puna ang mabilis na paglaganap ng droga sa Maynila mula nang manungkulan si Erap noong 2013 pero bakit ngayon lang siya kumilos?

Noong bandang huli ng taon 2015 hanggang bago makapanungkulan si PDU30 ilang buwan ang nakararaan, sunod-sunod ang malalaking drug bust sa Maynila, isa na rito ang laboratoryo ng shabu sa isang condo sa Sta. Cruz, na kinaarestohan ng mga dating kasamahan sa PDEA si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino at isa niya pang kasama.

Ang nakapagtataka, hindi sinasabi hanggang ngayon kung sino ang may-ari at umokupang tenant sa nasabing condo.

Nasamsam din ang ilang kilo ng shabu sa isang gusali sa Binondo na nagpapanggap na flower shop at napag-alamang may business permit mula sa Manila City Hall.

Kilo-kilong shabu rin ang nahuli sa Harbour View malapit sa Quirino Grandstand at nadakip ang mga may bitbit ng ilegal na droga.

Ilan lang ‘yan sa drug bust pero ang kapansin-pansin, mga operatiba ng Quezon City Police District, National Bureau of Investigation (NBI) at ibang ahensiya ang nakalambat at hindi mga kagawad ng Manila Police District (MPD).

Noong 2014, nilusob ng SWAT ang kanilang mga kasamahan sa District Anti-Illegal Drugs (DAID) at nasabat sa kanila ang 5-Kilo ng shabu.

Pero hanggang ngayon ay wala pang balita kung may naisampa nang kaso ang tanggapan ni Manila chief Prosecutor Edward Togonon sa hukuman laban sa hepe at 14 tauhan ng MPD-DAID.

Marami raw ang nagsasabing hindi naman totoong sangkot sa ilegal na droga ang napatay na barangay official.

Suspetsa nila, politika ang tunay na dahilan at isinabay lamang sa inilunsad na kampanya ni PDU30 ang paghihiganti.

Dumating umano ang isang politiko sa lugar dalawang oras matapos mapatay ang barangay chaiman at narinig nilang nagtanong sa mga operatiba:

Politiko: “Patay na ba si Chairman?”

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *