HINILING ng isang beteranong konsehal sa Maynila ang tulong ng National Bureau Investigation (NBI) para imbestigahan at sampahan ng kaukulang kaso ang tinaguriang “EXTORTION 6” ng City Hall na inirereklamong nangingikil sa mga lokal at dayuhang negosyante sa Malate at Binondo.
Ito ay matapos mabulgar sa pitak na ito kamakailan ang sindikato na kinabibilangan ng dalawang dati at apat na kasalukuyang konsehal na gabi-gabing umiikot para takutin ang operators ng KTV bars na ipasasara ang negosyo kapag tumangging maghatag ng protection money.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni 3rd District Councilor Bernardito “Bernie” Ang, “We were elected to create meaningful laws that will redound to the benefit of the city and its residents, including those doing legitimate business in the city and not to use our position for selfish, errant interests.”
Ayon sa batikang konsehal na si Ang, naaalarma siya na tuluyang makasira sa imahe ng Konseho ang umano’y paghahasik ng lagim ng kilabot na Extortion 6 sa mga lehitimong lokal at dayuhang negosyante ng KTV bars sa Maynila.
Desmayado si Ang kung kaya’t nagpasaklolo aniya siya sa NBI upang matuldukan ang pag-abuso sa kapangyarihan ng dalawang dati at kasalukuyang konsehal ng Maynila bunsod na rin sa reklamo ng mga negosyante mula sa nasasakupan niyang distrito sa Binondo.
Imbes nga naman pagpasa ng mga ordinansa ang pagkaabalahan ng mga hindot ay pangongotong ang inaatupag para sa mabilis nilang pagpapayaman, gamit ang kanilang puwesto bilang mga opisyal at konsehal ng lungsod.
Hindi pa ba matatawag na sindikatong mala-Mafia ‘yan?
KTV BAR OWNERS
SA EXTORTION 6:
“PUTANG INA N’YO!”
PAGKATAPOS nating itampok sa pitak na ito ang extortion raket ng City Hall officials ay dinagsa tayo ng reklamo hindi lamang mula sa mga nababahalang investors.
May mga nagparating ng impormasyon kung paano kagarapal isinasagawa ng kilabot na Extortion 6 ang pananakot at pangongotong sa mga establisimiyento.
Ayon sa mga empleyado ng ilang KTV bars, ang Extortion 6 na pinamumunuan ng dalawang dating konsehal ay kilalang malalakas ang kapit kay ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada.
Ang trabaho nila sa City Hall ay igawa ng sari-saring paraan ng pangingikil ang kanilang mandarambong na amo mula sa illegal vendors sa Divisoria at mga motorista sa Maynila.
Hindi lang natin tiyak kung pati ang pangongotong sa mga operator ng KTV bar nina dating KON. DA TAMULMOL na adik sa shabu at ENGR. LET-CHENG PANOT ay may basbas nga ng kanilang amo.
Pumapasok sila sa mga KTV bar na kung makaasta ay daig pa raw ang may-ari ng mga establisimiyento na puntirya nilang kikilan ng salapi.
Walang patumanggang magsisi-order ng sari-saring inumin at pagkain pero hindi naman babayaran ang kanilang mga nilaklak na kadalasa’y inaabot nang mula P30,000 hanggang P60,000 ang halaga kada KTV bar na kanilang pinapasok.
Ipatatawag nila ang may-ari at enkargado ng establisimiyento at kapag naiabot na sa kanila ang makapal na sobre ay saka lamang sila aalis.
‘Pag natutunugan ang pagsalakay ng grupo, ang mga establisimiyento ay maagang isinasara kaya malaki na ang kanilang lugi.
Pati ang maliliit na empleyado sa mga KTV bar na nagbabanat ng buto at nagpapatulo ng pawis para mabuhay ay napeprehuwisyo at nadadamay sa kawalanghiyaan ng Extortion 6.
Ang kilabot na Extortion 6 ay umiikot sa mga KTV bars kasama ang ilang police scalawags na kasama sa listahan ng tinaguriang “Ninja Cops” sa Manila Police District (MPD).
Ginagamit din ng Extortion 6 sa kanilang modus ang isang mataas na police official sa pananakot ng mga KTV bar para ipakitang may basbas ni Erap at ng MPD ang kanilang pangongotong.
Naaalarama raw ang mga lokal at dayuhang investors ng KTV bar dahil milyong piso ang balitang ‘tongpats’ na idinidiga ng Extortion 6 upang hindi maipasara ang mga kilalang establisimiyento.
Ano kaya ang masasabi nina Philippine National Police (PNP) Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa at National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Dir. Oscar D. Albayalde na sa mga KTV bar din sa Malate at Binondo nakikitang malimit nakikipagmiting sa Extorion 6 ng Konseho ang isang mataas na opisyal ng MPD?
Sa ngayon, ang masasabi lang muna raw ng nagrereklamong KTV bar owners at employees na nagparating ng kanilang hinaing at sumbong laban sa Extortion 6 ay: “MGA PUTANG INA N’YO!”
ISALBA ANG MAYNILA
KAYA naman dapat lang ipursige ni Kon. Ang, minority floor leader ng Konseho, ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa NBI laban sa Extortion 6 at mga kasabwat, hindi lamang para proteksiyonan ang kapakanan ng mga empleyado at interest ng mga lehitimong negosyante, kung ‘di upang isalba ang binababoy na imahe mismo ng Maynila.
Mahaba-haba na rin ang kasaysayan ni Ang bilang konsehal ng Maynila na ating nasubaybayan mula pa noong 1988.
Papayag ba ang isang beteranong tulad ni Ang na tuluyang wasakin ng Extortion 6 ang nag-iisang dakilang lungsod ng Maynila?
‘Yan ang aming aabangan!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid