KULANG na lang ay tumakbo nang hubo’t hubad sa kalsada si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada para magpapansin kay Pangulong Rody Duterte.
Upang maipakita na kunwari ay may ginagawa siya para sugpuin ang nakababahalang patuloy na paglaganap ng ilegal na drogra sa Maynila ay kung ano-ano ang kanyang ipinalalathala sa pahayagan na pawang hindi naman totoo.
Noong una, kesyo gagamitin daw niya ang Philippine Army sa mga paaralan sa Maynila para magturo sa mga mag-aaral na makaiwas sa droga.
Kung ‘di ba naman nahihibang si Erap, sino ba siya para utusan ang mga sundalo na sumunod sa kanya gayong hindi naman siya Defense secretary o chief of staff ng AFP, at lalong hindi siya ang commander-in-chief.
Ngayon naman ay kesyo tumawag daw siya ng mga eksperto mula sa Los Angeles Police Department (LAPD) para hasain ang mga miyembro ng Manila Police District (MPD) sa anti-drug program.
Samantalang hindi pa natutuyo ang laway niya na suportado raw niya si PDU30 laban sa pakikialam ng mga Kano sa pamamalakad ng ating gobyerno.
Halatang lahat ng klaseng panloloko ay iniimbento ni Erap kung paano niya mabibilog ang ulo ni PDU30 para magkunwaring kalaban din siya ng ilegal na droga kahit wala namang naipahuhuling drug lord sa Maynila hanggang ngayon.
Bakit ngayon lang nagpapanggap si Erap na may programa siya kontra illegal drugs gayong bago ang nakaraang eleksiyon ay pawang sa Maynila sunod-dunod nahuli ang malalaking halaga ng droga, kabilang ang laboratoryo ng shabu sa isang condominium sa Sta. Cruz, Maynila?
Lahat ng malalaking drug bust sa Maynila noong bago mag-eleksiyon ay accomplishments ng PDEA, QC Police, NCRPO at NBI – hindi ng MPD.
Hindi pa rin alam hanggang ngayon kung nakapagsampa na ng kaukulang kaso sa hukuman ang tanggapan ni Manila Chief Prosecutor Edward Togonon laban sa dating hepe at 14 na tauhan ng District Anti-Illegal Drugs (MPD-DAID) na nahulihan ng 5-Kilo ng shabu at P50,000 cash sa kanilang locker sa raid na isinagawa ng MPD-SWAT noong 2014.
Kaya inuuto ni Erap si PDU30 dahil may gusto siyang pagtakpan tungkol sa ilegal na droga sa Maynila.
Dumidiskarte si Erap para maidiga na mapalaya si Jinggoy na nakakulong sa kasong plunder at PDAF scam.
Ang isa pang anak ni Erap na si Sen. JV Ejercito ay may binubunong kaso sa Sandiganbayan sa pagkakadispalko ng calamity fund habang noo’y nakaupong alkalde ng San Juan.
TRO VS ERAP?
NAKAKUHA umano ng temporary restraining order (TRO) ang kompanyang kinontrata ni Erap mula pa noong 2013 na maningil ng upa mula sa organisadong illegal vendors sa Divisoria.
Naghain umano ng kaso sa hukuman ang STO. NIÑO DE TONDO matapos tangkain ng City Hall na kanselahin ang nilagdaang nilang kasunduan.
Ang Sto. Niño de Tondo ay isang umano ay hindi rehistradong kompanya na kinontrata ng City Hall para magpatakbo ng illegal vendors sa Divisoria.
Sinasakmal ng isang dating konsehal na suwapang na maagaw ang multi-milyong raket ng illegal vendors sa buong Divisoria at siya na ang direktang magpatakbo.
Saan kaya ipinaglihi ang dating konsehal na sobra ang takaw pagdating sa illegal na pagkakakuwartahan?
SEX VIDEO NI DE LIMA
NAGBAGO ang ihip ng hangin at biglang may mga tutol na maipresenta sa imbestigasyon ng House of Representatives Committee on Justice ang umano’y sex video na nagtatampok kay suspected illegal drugs protector Sen. Leila de Lima sa malaswang eskandalo.
Hindi ba’t si De Lima mismo ay naunang itinanggi ang nasabing sex video?
Bakit ngayon ay pumapalag ang kanyang mga kaalyado sa Liberal Party at hinaharang na maipalabas ang nasabing sex video?
Kung gano’n, lumalabas na totoo palang mayroon!
Tayo man noong una ay dudang may sex video si De Lima.
Ngayon ay lumalabas na totoo pala!
Ang kakatwa, hindi naman ‘yung mga tumututol ang nakikipag-sex sa video pero sila ang umaaray.
Baka naman kaya bumubuwelo lang ang mga damuho at ang talagang pakay ay pag-awayan muna kung ilalabas o hindi ang video habang humahakot ng mga sira-ulong sisimpatiya kay De Lima.
Saka sila pupunta sa EDSA para ipanawagan ang pagbaba ni Pang. Rody Duterte sa puwesto.
Napanood na namin ‘yan!
SALAMAT, SEN. MIRIAM!
SAYANG at ‘di na nabigyan ng pagkakataon si Sen. Miriam Defensor Santiago na maipamalas sa sambayanan ang kahalagahan ng isang tulad niya sa isang panahon.
Nakalulungkot dahil pumanaw na kahapon si Sen. Miriam sa edad na 71 matapos ang matapang na pakikipaglaban sa sakit na cancer.
Sayang, ngayon pa naman sana mas kailangan ang isang tulad ni Sen. Miriam bilang malakas na boses sa ating pamahalaan.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid