HINDI kami nagduda noong sabihing kumita na ng mahigit na P100-M ang pelikula nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, iyong Barcelona. Ipalabas ba naman iyon sa 270 (actually nadagdagan pa siya kaya naging 350 na—ED) sinehan, puwede bang hindi kumita iyon ng ganoon kalaki? Kung hindi naman marami ang nanonood, papayag ba ang mga may-ari ng sinehan na paghahatian ng ganoon karami ang kita ng pelikula?
Rito sa may amin may maliit na mall na lima lang ang sinehan, dalawa pa ang naglalabas ng Barcelona at iyong iba naghati-hati na lang sa tatlong sinehan. Kaya alam mong kumikita ang pelikula.
Ngayon, may namimintas pa sa Barcelona, na kesyo hindi raw ganoon katindi ang acting. Aba eh kahit na anong tindi ng acting mo, manalo ka man ng lahat ng awards maging sa Cannes kung ayaw namang panoorin ng mga tao, saan ka dadamputin?
Huwag na silang mamintas, after all mananalo ba sila sa opinyon ng higit na maraming tao na nasiyahan sa pelikula?
HATAWAN – Ed de Leon