NOONG mapanood namin sa news sa TV ang tungkol sa isang barangay chairman ng Maynila na napatay sa pamamagitan ng pagsakal ng electric wire at sagasaan pa ng ilang ulit, hindi namin masyadong pinansin iyon. Maliwanag naman ang motibo, pagnanakaw, dahil nawala ang kanyang bag na sinasabing naglalaman ng P300,000 na kinuha niya sa banko na pang-suweldo ng mga tao sa barangay.
Tapos sinabi naman sa balita na nahuli ang dalawang suspects na hindi pinangalanan dahil menor de edad, na nakilala naman dahil sa CCTV ng isang convenience store na nakitang bumili pa ng alak at doon mismo sa CCTV, may aksiyon na nagpapakita ng kanilang plano, may bibiktihin sila.
Pero iyang mga ganyang kuwento, ordinaryo na iyan. Ang daming addict na pumapatay ng tao na ganyan lang. Ang na-shock lang kami, nalaman namin kinabukasan na ang isa pa sa mga menor de edad na naarestong suspect sa pagpatay na iyon ay naging talent sa Walang Tulugan ni Kuya Germs.
Ilang panahon din namang lumalabas sa show ni master showman ang batang iyon. Isa siya sa mga dancer na palaging lumalabas sa show. May fans din, dahil may hitsura naman. Hindi mo aakalain na magagawa niyang pumatay ng tao at magnakaw ng ganoon.
Ang usapan nga nila, siguro kung nabubuhay pa si Kuya Germs, at nagpapatuloy pa ang kanyang show, baka hindi nangyari iyan, kasi lahat ng mga talent niya busog sa pangaral ni Kuya Germs. Bago magsimula ang show at pagkatapos ng show, panay ang pangaral ng master showman. Iba pa iyong ipinatatawag niya kung minsan ang mga iyan kung may naririnig siyang hindi maganda.
Noon ding may TV show pa sila, sabihin mo mang maliit lamang ang kanilang honoraria, dahil nakikita sila sa TV, nakukuha sila sa mga outside show, kaya may pera at hindi siguro makakaisip na magnakaw, at pumatay pa.
Sayang, wala na si Kuya Germs. At wala namang nakapalit si Kuya Germs. Kung natatandaan ninyo, ang sinasabi ni Kuya Germs, ginagawa niya ang kanyang show para maiiwas ang mga kabataan sa masasamang bisyo lalo na ang droga. Birthday nga pala ni Kuya Germs sa October 4. Unang birthday niya na wala na siya.
HATAWAN – Ed de Leon