MAY isang fan ni Congresswoman Vilma Santos-Recto na nagpadala sa amin ng isang text message mga ilang linggo na ang nakaraan at nagsabing si Ate Vi nga raw ang bibigyan ng “golden reel award” ng Film Academy of the Philippines. Hindi namin pinansin ang nasabing message, sabi nga namin maghihintay muna kami kung ano ang talagang balita. Kasi wala ka namang narinig na ganoon eh, siya nga lang ang nagkuwento sa amin tungkol sa nasabing award.
Isa pa, hindi naman yata talagang laging nagbibigay ng awards iyang FAP. Hindi na kagaya noong araw, ang alam namin lately ay may mga taong hindi sila nagbibigay ng awards. Isa pa parang nawalan na ng gana ang mga tao sa awards, kasi ang karamihan sa nananalo ay mga indie films na hindi naman nila napapanood dahil mga isa o dalawang araw lang kung ilabas sa mga sinehan at wala na wala naman kasing nanonood kaya inaalis na agad ng mga sinehan.
Pero later on, nalaman namin talaga palang binigyan nila si Ate Vi ng Golden Reel Award. Ang sabi lang nila, special award iyon. Hindi nila sinabi kung bakit sila nagbibigay ng ganoong special award. Marami silang mga special award. Mayroong nakapangalan sa kanilang unang director-general na si Manuel de Leon. Mayroon namang nakapangalan sa national artist na si Lambert Avellana. Iyang Golden Reel, hindi maliwanag sa amin kung para saan.
Anyway, karagdagan na naman iyan sa mga tropeong nakuha na ni Ate Vi bilang isang artista. Roon sa kanilang bahay, may isang malaking kuwarto na ang nakalagay lamang ay ang mga tropeong kanyang natanggap bilang isang artista. Siksikan na ang mga tropeo. Talagang masasabi mong puno na ang isang kuwarto. Ewam kung may paglalagyan pa nga ba siya ng tropeo kung sakaling makakuha siya ulit ng isa pa. Pero award iyan eh, ok lang.
HATAWAN – Ed de Leon