MISTULANG pinag-isang session hall ng City Council at extension ng Manila Police District (MPD) headquarters ang mga KTV bar sa Malate at Binondo ngayon.
Akala tuloy ng iba ay 24-oras na ang session ng Konseho dahil gabi-gabing nakikita sa mga KTV bar ang anim na konsehal ng lungsod, kasama ang kanilang mga bodyguard na tinaguriang “Ninja Cops” ng MPD.
Pero imbes na pagpasa ng mga resolusyon at ordinansa ng Konseho, may iba pala silang pakay sa gabi-gabing pagbababad nila sa mga KTV bar.
Iniisa-isa na palang pagtatakutin ng mga hindot na konsehal para kikilan ang mga establisimiyento sa Malate at Binondo, kasama ang Ninja Cops ng MPD na nagsisilbing bodyguards nila.
Ang kilabot na “Extortion 6” ng Konseho ay binubuo ng apat na kasalukuyan at dalawang dating konsehal na pawang ginagamit na bodyguards ang ilang scalawags sa MPD na kasama sa listahan ng tinaguriang Ninja Cops.
Naalarama raw ang mga lokal at dayuhang investors ng KTV bars dahil MILYONG PISO ang balitang ‘tongpats’ na idinidiga ng Extortion 6 upang hindi maipasara ang mga kinikikilang establisimiyento.
Inaabot raw ng mula P30,000 pataas ang nakukunsumo ng mga damuho sa libreng inom at lamon kada miting sa mga KTV bar.
At ang masaklap, uminom at kumain na ng libre ay obligado pa ang bar owners na magpakimkim ng makapal na sobre bago lisanin ng mga walanghiya ang mga establisimiyento.
Alam kaya nina Philippine National Police (PNP) Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa at National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Dir. Oscar D. Albayalde na sa mga KTV bar din sa Malate at Binondo nakikitang malimit nakikipagmiting sa Extorion 6 ng Konseho ang isang mataas na opisyal ng MPD?
Hindi lang tayo tiyak kung pati ang pangongotong nina dating KONSEHAL DA TAMULMOL at ENGR. LETSENG PANOT sa mga operator ng KTV bar ay may basbas din ng kanilang amo na si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada.
Sana, may mga vigilante rin na mga abusadong opisyal ng pamahalaan naman ang target.
DDS, AS IN DE LIMA DRUGS SQUAD?
BUKAS nakatakdang ituloy ni Edgar Matobato, self-confessed hitman at mala-suicide bomber na testigong hawak ni Sen. Leila de Lima, ang pagharap sa imbestigasyon ng Senado.
Pero mahihirapan nang ibangon ng testigo ni De Lima ang nadurog na kredibilidad sa mga naunang isiniwalat sa nakaraang imbestigas-yon.
Balewala na ang mga sasabihin ni Matobato, lalo’t ang kanyang mga naunang kuwento ay pawang kasinungalingan, ayon sa mga mas kapani-paniwalang mga tao.
Taliwas sa kuwento ni Matobato, pinabulaanan ni dating House Speaker Prospero Nograles na may mga tauhan siyang napatay.
Si Partylist Rep. Harry Roque mismo na dating nagsilbing abogado ng pamilya ng pinaslang na bilyonaryong si Richard King ay sinabing hindi kailanman naging suspect ang sinoman sa pamilya ni Pang. Rody Duterte.
Mali rin ang kuwento ni Matobato, hindi ‘Hotel McDonald’ pinatay si King kundi sa kanyang mismong opisina.
Base sa records ng Davao City Hall, taliwas sa kanyang naunang pahayag, si Matobato ay sumusuweldo bilang contractual at hindi ghost employee.
Marami rin ang nagpahayag na hindi mabuting kapit-bahay at abusadong tao pa nga si Motobato na malimit gumawa ng gulo sa kanilang lugar sa Davao.
Ayon sa Philippine Army, wala sa kanilang listahan na si Matobato ay naging miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Units (Cafgu) o ng Scout Ranger man, gaya nang kanyang naging pahayag sa Senado.
Ang dapat paghandaan ng suspected illegal drugs protector na si De Lima ay ang nakatakdang pagdinig na nakatakdang isagawa sa Huwebes.
Sandamakmak na testigo ang nakatakdang lumantad na magdidii kay De Lima bilang protektor sa iligal na droga habang siya ay kalihim ng Department of Justice (DOJ).
Kabilang sa mga testestigo ang mga convicted drug lord sa New Bilibid Prison (NBP), kabilang si Herbert Colangco na una nang lumagda sa sinumpaang salaysay laban kay De Lima.
Ipinagtapat ni Colangco, P3-M ang buwanang hatag nila kay De Lima “para sa pribilehiyo at para maipagpatuloy din ang mga negosyo sa Bilibid.”
“Sa tantiya ko po, ang umiikot na halaga ng droga sa loob ng Bilibid sa pagpayag ni secretary De Lima bago pa kami ilipat sa NBI ay hindi bababa sa limampung milyong piso kada buwan.
Pumaparte rin si De Lima ng halagang P1-M mula sa kada 300 kahon na supply ng beer in can.
Mismong mga tauhan ni De Lima raw ang nagbabagsak ng beer sa bilibid, sabi ni Colangco.
Ang mabigat, may ibang mga testigo para kompirmahin ang salaysay ni Colangco na kung tawagin ay corroborating witness/witnesses, habang ang testigo niyang si Motobato ay umaming wala.
Kaya kahit araw-arawin ni De Lima ang imbestigasyon sa Senado at kumuha pa ng sandaang testigo na kamukha ni Matobato ang sasabihin ay aksaya lang sa panahon at pera ng bayan.
Ang kahulugan ba ng DDS ay Davao Death Squad, o De Lima Drugs Squad / Syndicate?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid