NAKALULUNGKOT isipin na mas kumita pa ang isang pelikulang Koreano kaysa mga pelikulang filipino na inilalabas dito sa atin mismo. Noong nakaraang linggo, pinilahan sa mga sinehan ang isang pelikulang Koreano, at sa social media, wala kang marinig kundi papuri sa pelikula.
Sa totoo lang, nakisiksik kami sa pelikulang iyon. Sa totoo lang din naman, hindi kami impressed. Para sa isang horror picture, hindi naman iyon nakatatakot talaga. Marami rin kaming hindi maipaliwanag dahil hindi malinaw ang kuwento ng pelikula. Sabi nga ng isang kritikong kakilala namin, bakit daw sa dinami-dami ng kantang Koreano ang kinakanta niyong batang babaeng nakaligtas ay Aloha Oe.
Maraming mga pelikulang Filipino na mas makabuluhan kaysa horror movie na iyan, pero hindi naman kumita. Hindi namin sinasabing iyong mga indie, dahil hindi kami nanonood niyon. Maraming mahuhusay na pelikulang mainstream na mas dapat panoorin.
Pinaghahandaan naming panoorin iyong Barcelona: A Love Untold, dahil palagay namin ay matinong pelikula iyan. Mahusay ang director at mahusay din naman ang mga artista. Palagay namin kikita iyan dahil naniniwala kaming malakas pa rin ang batak nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, ano man ang sabihin nila. Maaaring may mas umangat ang popularidad, pero hindi ibig sabihin niyon ay nabawasan na ang supporters ng KathNiel. Gusto rin naming makita iyong sinasabi ni direk Olive Lamasan na “si Daniel ang susunod na Aga Muhlach”.
HATAWAN – Ed de Leon