NAKATATAWA naman yata ang balitang pinayagan daw ni Pang. Rody Duterte ang pagbitay kay Mary Jane Veloso, ang kababayan nating OFW na ilang taon nang nakakulong sa Indonesia matapos mahulihan ng droga.
Sentido-kumon lang na kung paanong hindi maaaring diktahan ni PDU30 ang Indonesia ay ganoon din ang gobyerno ng sinomang bansa na walang karapatang pakialaman tayo.
Kahit sabihin pang totoong inosente si Mary Jane, hindi ito katuwiran para igiit ng kahit sino na maging selective ang batas.
Sabi nga, “Ignorance of the law excuses no one.”
Matuloy man o hindi, sa bandang huli ay pareho lang naman gagamiting isyu si Mary Jane laban kay PDU30.
Papayagan ba natin ang gobyerno ng ibang bansa na makikiusap sa atin na palayain din ang mga dayuhang kriminal na nakakulong dito, lalo ang mga may kasong droga?
Masakit man tanggapin, pero ‘yan ang katotohanang dapat ipaubaya sa hukuman ng Indonesia ang pagpapasiya sa kapalaran ni Mary Jane.
Bahala na ang Indonesia kung magkusa silang patawarin si Mary Jane.
Kung patawarin siya ay salamat, pero kung hindi naman ay wala tayong magagawa.
The law is harsh, but it is the law (dura lex, sed lex).
MANHID ANG COMELEC
SA PETISYON VS. ERAP
KUNG nakapagsasalita lang marahil ang mga papeles at dokumento dahil sa matinding pagkainip, tiyak na nagmumumura na ang petisyon sa Commission on Elections (Comelec) na inihain laban kay ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada.
At kung nakamamatay ang ‘mura,’ siguradong nailibing na ngayon ang mga may kinalaman sa Comelec na itengga para patagalin at ibitin ang pagresolba sa petisyon.
Ilang buwan na ang lumipas nang ideklarang SUBMITTED FOR RESOLUTION ng Comelec ang dalawang magkahiwalay na petisyong inihain ng kampo ni Manila Mayor Alfredo Lim.
Hiniling ng kampo ni Mayor Lim sa Comelec na maideklarang DISQUALIFIED si Erap base sa mga isinumiteng ebidensiya sa GARAPALANG VOTE-BUYING at MALAWAKANG PANDARAYA sa nakaraang eleksiyon.
Hiniling din sa Comelec na ipawalang bisa ang proklamasyon kay Erap bilang nanalong mayoralty candidate na kumukuwestiyon sa maliit na bilang ng boto na inilamang kay Mayor Lim na mahigit lang sa 2,000.
Kinasuhan din ng paglabag sa Omnibus Election Code ang city election officers na sina chief city prosecutor Edward Togonon, city election officer Anthonette Aceret, at Wilfredo Cabral, superintendent of Manila schools na minadali ang pagproklama kay Erap kahit hindi pa ganap natatapos bilangin ang mga boto.
Imposibleng hindi naiintindihan ng Comelec na mamamayang botante ang naagrabyado habang pinatatagal at ibinibitin ang pagresolba sa mga kasong tulad nito.
Bakit hindi pa diretsahin ni Chairman Andres Bautista at ng Comelec kung magkano, este, ano ang dahilan at bakit kailangan tumagal ang pagresolba sa protesta?
‘Buti na lang, si Pang. Rody Duterte ang nanalo at hindi nakayang manipulahin ang agwat ng kanyang boto sa ibang presidentiable.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid