MAY isang artista rin na nagsabing ”si Maine Mendoza, talagang superstar na.”
Teka muna, iisang taon pa lang ang career ni Maine Mendoza. Nakakadalawang pelikula pa lang siya. Minsan pa lang siyang naging bida. Iisa pa lang ang TV show niya at isang segment lang siya roon bukod sa pagiging co-host. Kung kami ang tatanungin, masyadong maaga pa para sabihing isa na ngang superstar si Maine. Tiyak aangal ang fans ng mga naging superstars na una.
Lahat ba ng sumikat tatawagin na lamang superstar? Hindi ba kailangang mapatunayan din na ang kasikatan nila ay mananatili ng matagal na panahon? Isa pa, nakikita natin ngayon na medyo bumaba ang level ng popularidad ng kanilang love team, kaysa kasikatan noong nakaraang taon. Si Maine ay kalahati lamang niyong AlDub. Nariyan pa si Alden Richards na natural may kredito rin naman sa kasikatan ng love team.
May nagsasabing sumipa lamang ang career ni Alden nang makapartner si Maine. Pero hindi pa natin napatutunayan kung magpapatuloy sa pagsipa ang career ni Maine kung mahihiwalay kay Alden. Simpleng lohika lang ang kailangan eh.
Hindi namin sinasabing hindi magiging superstar si Maine. Ang sinasabi lang namin, siguro dapat maghintay sila ng “tamang panahon” bago gumawa ng deklarasyon na isa na nga siyang superstar.
Tatagal ba ang career ni Maine ng mga tatlong taon pa? Kung tumagal nga ng ganoon, mananatili bang ganyan ang kanilang kasikatan? Ilang taon ba ang career ni Vilma Santos bago siya tinawag na movie queen at star for all seasons? Ilang taon na ring artista at singer si Sharon Cunetabago siya natawag na megastar? Marami ring nagbanta sa ganyang level ng kasikatan, pero kung napansin ninyo nariyan pa iyong mga nauna sa kanila, sila wala nang career. Masasabi ba ninyong superstars nga iyon? Iyong superstar nananatiling sikat ng matagal na panahon. Kung sandali lang, hindi superstar iyon. Iyong superstar ay “hindi forever”. Kung laos ka na, hindi ka na superstar.
HATAWAN – Ed de Leon