KAHIT kailan ba ay walang wisdom o karunungan na maaasahan ang publiko mula kay Senate Majority leader Sen. Vicente “Tito-Eat Bulaga” Sotto?
Sa dinami ba naman kasi ng matitinong nilalang sa mundo na nasa huwisyo mag-isip at puwedeng tularan ay kung bakit ang mga katulad ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada ang napiling idolohin at paboritong tularan kahit dispalinghado ang utak.
Tumangging ipatupad ng Senado ang 90-days preventive suspension na ipinataw ng Sandiganbayan 5th Division laban sa anak ni Erap na si Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito, kamakailan.
Si JV ay sinampahan ng kasong palabag sa anti-graft and corrupt practices act kaugnay ng pagdispalko sa pondo ng San Juan City na laan para sa kalamidad na nagkakahalaga ng P2.1-milyon pero sinalamangka at ginamit sa pagbili ng mga baril noong 2008.
Imbes ipatupad ang agarang pagsuspinde kay JV ay parang basketball na ipinasa ka Senate President Aquilino “Koko” Pimentel ang kautusan ng Sandiganbayan sa rules committee na pinamumunuan ni Sotto.
May tatlong opsiyon daw na pagpipilian ang kanyang committee sa suspension order ng Sandiganbayan: 1) kung ipatutupad ang Sandiganbayan suspension order; 2) pag-aaralan muna; o hindi nila ipatutupad.
Sa madaling sabi, parang “Pinoy Henyo” lang pala ang pagtrato ni Sotto sa Senado.
Masyado naman yatang malihim si Pimentel at hindi man lang ipinagbigay-alam sa publiko na nalipat na pala ang “Eat Bulaga” sa Senado.
Hindi ba maliwanag na “obstruction of justice” ang tawag diyan?
Bakit, ayaw ba irerespeto ng Senado ang Sandiganbayan bilang co-equal branch ng gobyerno?
Kung ganyang klase ng rule of law ang nais umiral ng Senado habang panahon ay wala na ngang pag-asa pang tumino ang bansa.
Kaya tama nga na magdeklara si Pang. Rody Duterte ng STATE OF LAWLESSNESS kung hindi na rin lang gumagana ang mga batas.
ABUSADO ANG SENADO;
DISPALINGHADO MAG-ISIP
KUNG naipagbibili siguro ang utak na “slightly used” ay tiyak na mahal maibebenta ‘pag ‘di masyadong gamit.
Sa susunod sana na mamimilosopo si Sotto ay siguruhin lang niya na hindi siya mahahalatang nagpapanggap na pantas.
Halatang ‘di muna nag-isip si Sotto bago debatehin ang preventive suspension order laban kay JV.
Nakalimutan yata niya na abogado ang mga mahistrado ng Sandiganbayan na nagsususpinde kay JV na nais niyang debatehin.
Argumento ni Sotto, “Preventive, hindi naman punitive e. Ano ipe-prevent mo e hindi na s’ya mayor? Senador s’ya? Ang ipe-prevent yung trabaho n’ya rito sa Senado na magpasa ng mga batas or mag-propose ng mga batas.”
Ang pagkakaintidi niya, maaari lang ipataw ang “preventive” noong alkalde pa ang anak ni Erap.
Ibig bang sabihin ni Sotto, dapat ay sinuspinde agad ng Sandiganbayan si JV habang nakaupong alkalde noon kahit wala pang naisasampang kaso laban sa kanya?
Alam ba ni Sotto na kaya may preventive ay upang hindi magamit ang kapangyarihan ng kanyang puwesto para impluwensiyahan ang kinakaharap na kaso?
Mas lalo ngang dapat suspendihin ang senador dahil mas mataas ang puwesto kaya’t malawak din ang magagamit na kapangyarihan para impluwensiyahan ang kanyang kaso.
Matututo lang bumoto nang tama ang mga bobotante kapag ipinairal at isinailalim muna ni PDU30 ang bansa sa ilalim ng REVOLUTIONARY GOVERNMENT.
Lubhang nakababahala na talaga ang mabilis na pagdami ng mga tunggak at LAWMAKER na LAWBREAKER sa ating pamahalaan.
BAWING-BAWI NA
SI ENGINEER
LIMANG milyong piso ang political contribution ng isang dating ENGINEER ng Department of Public Works ang Highways (DPWH) sa lalawigan ng Laguna sa campaign kitty ni Erap noong 2013 elections sa Maynila.
Pumapangalawa si Engineer kay plastic king William Gatchalian sa naiambag na donasyon para sa pagtakbo ni Erap sa Maynila noong 2013 elections.
Si Engineer ay kabilang sa mga nakalistang may-ari ng isang MINING COMPANY nang mag-abuloy para sa kampanya ni Erap.
Pero sa Omnibus Election Code o Batas Pambansa 881, ipinagbabawal sa sinomang sangkot sa “mining industry and other extractive sectors from making contributions to an election campaign.”
Pangalawa, si Engineer ay rehistrado na pangulo, director at incorporator ng kanyang mining company habang konektado siya bilang opisyal ng DPWH, base na rin sa records ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Kaya naman sabit din si Engineer sa kung tawagin ay conflict of interest sa Section 7 of Republic Act 6713 o Code of Conduct for Public Officials and Employees.
Sa madaling sabi, nakinabang at napaboran ng kanyang puwesto sa DPWH ang kanyang kompanya.
Tumatakbo na sa ika-4 na taon si Engineer sa kampo ni Erap kaya siguradong marami na siyang naiimpok at kinita sa Manila City Hall.
Kayang-kaya na niyang gastusin mula sa limpak limpak na kinita at kinikita para lakarin ang anomang kaso na posible niyang kaharapin sa Ombudsman.
Abangan!!!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid