MAGANDA ang takbo ng palabas at maganda rin ang ratings ng kasalukuyang edisyon ng Pinoy Big Brother.
Base sa datos ng Kantar Media, double digit ang ratings nito tuwing gabi kesehodang papuntang Bandila na ang timeslot. Trending din ito gabi-gabi patunay na hooked din ang young viewers dito.
Isa sa dahilan nito ay ang magandang mix ng housemates ngayong season. Interesting talaga ang kanilang mga personalidad at masasabi nating magagandag ehemplo sila sa kabataan.
Isang linggo pa lang sila sa loob pero marami na agad ang nag-shine at napatunayan kung sino ba talaga ang kabataang Pinoy ngayon.
Nariyan si Maymay, kuwela at napakapositibo. Marami ngang nagsasabi na para siyang pinaghalong Melai at kambal na sina Joj at Jai. Siya rin ang tumatayong ate ng grupo. Malalalim ang kanyang mga pananaw at nagagabayan niya ang nakababatang housemates.
Busilak naman ang puso ng dalagitang si Heaven na nakaka-touch ang pagmamahal sa ina habang si Kristine naman ay pinabilib ang manonood sa kanyang pagiging team player at natural na lider.
Masipag naman sa gawaing bahay at sa pagluluto ang binatang si Christian at maalaga naman sa kasama ang Italyanong si Marco. Malugod ding ibinahagi ni Marco ang kanyang pagiging Italyano nang ipatikim sa mga kasama ang kanyang lutong pasta.
Nakabibilib din ang husay sa pakikisama ni Rita. Hindi kaila sa marami na iba ang pinagdaanan sa buhay ng tinaguriang Badjao Girl kaya nakatutuwang makita siya na kasundo ng lahat ng housemates na para na niyang mga ate at kuya.
Isa pang dahilan ang values na mapupulot sa likod ng mga task. Ang iba’t ibang tasks ni Kuya ay ginaginawa hindi lang para hamunin ang housemates, kung hindi para may matutuhan din sila at may matuklasang bago sa kanilang mga sarili.
Ang PBB ay isang makulay na paglalakbay. Hindi ka man maging sikat na artista tulad nina Kim Chiu, tiyak lalabas ka naman ng bahay na mas mabuti at mas responsableng tao.
REALITY BITES – Dominic Rea