Monday , December 23 2024

Revolutionary gov’t imbes Martial Law

00 Kalampag percyNATATAWA na lang tayo sa reaksiyon ng magagaling na mamababatas at miyembro ng judiciary na kapwa co-equal branch ng executive matapos mabanggit ni Pang. Rody Duterte ang Martial Law.

Agad nagsermon ang ilang hindi kapanalig ng kasalukuyang administrasyon at nagbabala na hindi puwedeng madeklara ang Martial Law base lamang sa pagsugpo sa ilegal na droga.

Ang nasasaad lamang daw sa Saligang Batas ang puwedeng batayan sa pagdedeklara ng Martial Law na kailangang aprubahan din ng Kongreso.

Pero kung gugustuhin ni Pang. Rody, kailangan nga kaya niyang magbase lamang sa Konstitusyon sakaling may iba siyang binabalak kung may magtatangkang isabotahe ang kanyang administrasyon?

Hindi naman siguro mangmang ang pangulo para sa tulad ng Senado at Kamara na gustong bumigo sa kanyang mga plano ang siya rin niyang asahan upang ipatupad ang tunay na pagbabago.

Matatandaan na bago ibinalangkas ang 1987 Constitution ay nagdeklara muna ng revolutionary government si dating Pang. Cory kasunod ng pagbuwag sa Batasan Pambansa.

Nasa Saligang Batas ba ang revolutionary government? ‘Di ba wala?

Nagawa ‘yan noon ni Cory base sa kanyang popularidad na kung ikokompara ay katiting lang sa napakataas na 91 percent trust rating ni Pres. Rody.

‘Buti na lang, hindi inabuso ni Cory ang kapangyarihang ilagay sa kanyang bunganga ang mga batas habang umiiral ang revolutionary government.

Katumbas kasi ito na walang umiiral na Saligang Batas kaya kung ano ang sabihin ng nakaupong pangulo at commander in-chief, ‘yun ang batas na masusunod.

Hindi pa kasama riyan ang kung tawagin ay “Junta” para gamiting paraan sakaling magtangka ang sinoman na maliitin ang duly constituted authority.

Hindi ba puwede rin itong gawin ni Pres. Rody ngayon at kung tutuusin nga ay matindi pa sa Martial Law, lalo’t babaguhin ang Saligang Batas.

Kaya naman walang maipagyayabang ang mga Senador na mambabatas kahit tumanggi pa silang aprubahan pati ang emergency power na kaya lamang hinihingi ang kanilang pagsang-ayon ay sinisikap ni Pang. Rody na idaan ang lahat sa paupo at rule of law.

Hindi rin kailangan ni Pang. Rody si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at ang Korte Suprema para makapagdeklara ng revolutionary government.

Kaya sorry na lang ang Korte Suprema at Kongreso dahil mukhang walang balak si Pang. Rody na makipagkamutan ng likod o makipagsabwatan sa sindikato na matagal nang nakagawian ng mga nasa gobyerno.

Sabi nga, kapag ginusto ay may paraan.

MAYOR “BISTEK”
KAHIT LAST TERM
PINOPOLITIKA PA

MAGING sa social media ay trending ang balita na nagpositibo raw sa ipinagbababawal na droga si Councilor Hero Bautista matapos sumailalim sa isinagawang random drug testing kamakailan ng Quezon City Health Dept.

Kung totoo man ito ay walang dahilan para isangkot sa pagiging durugista ni Konsehal Hero ang nakatatandang kapatid na si Mayor Herbert “Bistek” Bautista.

Una, si Hero ay nasa edad na at may sarili nang disposisyon para malaman kung ano ang tama at mali.

Kahit sinong nasa matinong pag-iisip ay hindi gugustohin na may durugista sa kanilang pamilya kaya hindi ibig sabihin ay kinokonsinti o ginusto nilang malululong sa paggamit ng ilegal na droga ang sinomang kaanak.

Pangalawa, hindi lang naman si Bistek ang prominenteng personalidad na mayroong kapatid na lulong o gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, marami niyan – sa showbiz man o sa gobyerno.

Hindi naman ibig sabihin na kapag may gumagamit ng droga sa isang pamilya, lahat sila ay durugista na rin.

Dapat nating maunawaan na hindi madali at mabigat na kalbaryo ang papasanin sa sandaling may isa sa miyembro ng kanilang pamilya ang nalulong sa droga, bukod pa sa matinding kahihiyan na kanilang titiisin.

Last term na ni ‘Bistek’ bilang yorme ng QC kaya wala nang saysay na politikahin pa siya ng sinomang nag-aambisyon na pumalit sa kanya.

Ang kasalanan daw ni Juan ay hindi dapat isisi kay Pedro.

GALIT KAY MARCOS
SA PERA NIYA HINDI

NAGRALI kahapon ang ilang human rights victims at grupong tutol na mailibing si dating Pang. Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Giit nila, hindi dapat mailibing doon si FM dahil siya raw ay isang magnanakaw kahit sa kabila ng katotohanang hindi naman napatunayan sa alinmang hukuman na siya ay nagkasala sa anomang kasong kriminal.

Ayon sa batas at tuntunin ng Armed Forces of the Philippines, tanging ang mga nahatulan lamang sa kasong may kinalaman sa “moral turpitude” katulad ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada ang hindi maaaring mailibing sa Libingan ng mga Bayani.

Maliwanag ang banggit sa batas na kriminal at hindi sibil para hindi mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Ang nabanggit na batayan ay ipinagbabawal din sa batas sa sinoman na muling kumandidato at humawak ng anomang tungkulin sa pamahalaan sa sandaling pinal na mahatulang nagkasala sa anomang kasong may kinalaman sa moral turpitude, tulad ng kasong plunder.

Pero bakit nang payagan ng Korte Suprema na muling makatakbo si ex-convict Erap ay wala ni isa man sa kanila ang kumikibo hangga ngayon?

Sa lahat ng usapin ay batas ang dapat masunod at manaig at hindi ang sasabihin ng sinoman – ‘yan ang rule of law.

Sabi nga, “we are a government of laws and not of men.”

Ang tinutukoy lang nilang naging hatol ng hukuman sa Hawaii laban kay Marcos ay kasong sibil na inuutusang bayaran ang umano’y human rights victims na humihingi ng kompensasyon bilang danyos sa umano’y pambubugbog sa kanila noong Martial Law.

Ang nakatatawa sa mga Kenkoy, galit sila kay Marcos pero sa pera niya ay hindi sila galit.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *