Monday , December 23 2024

Kumambiyo si CJ Sereno

00 Kalampag percyPARANG binuhusan ng malamig na tubig si Supreme Court (SC) Chief Justice Ma. Lourdes Sereno matapos buweltahan ni Pres. Rodrigo Duterte kaugnay ng inilabas na listahan ng mga sangkot sa ilegal na droga.

Hindi umubra ang animo’y PSYWAR ni Sereno na hingan ng paliwanag si PDU30 sa pagkakasama sa mga ibinunyag na pangalan ng ilang huwes na sangkot sa illegal drugs.

Bale ba, tinagubilinan pa ni Sereno ang mga hukom na huwag magpaliwanag sa mga awtoridad hangga’t walang maipakikitang warrant sa kanila.

May pasulat-sulat pa si Sereno kay PDU30 at nakalimutan yata niya na ang konteksto ng kanyang liham ay maliwanag na pakikialam sa ehekutibo at trabaho ng co-equal branch ng ating gobyerno.

Imbes sulatan at kuwestiyonin si PDU30, dapat sana ay nagkusa na mismo si Sereno para gumawa ng hakbang at paimbestigahan agad kung paano nasangkot ang mga pinangalanang hukom sa karumal-dumal na sindikato ng droga sa bansa.

Bilang punong mahistrado ng Korte Suprema, hindi ba ang tungkulin ni Sereno ay panatilihin ang integridad ng hudikatura at siguruhin na walang hukom na nagbebenta ng kanilang desisyon?

Magagawang panatilihin ni Sereno at ng mga kasama niyang mahistrado sa Korte Suprema ang integridad ng hudikatura kung ginagampanan sana nila ang kanilang tungkulin.

Bakit kaya hindi na lang subukan ng Korte Suprema na ipaimbentaryo ang mga nakasampang kaso sa husgado na may kinalaman sa illegal drugs?

Hindi lingid sa publiko na maraming naibabasurang kaso sa mga hukuman sa bansa na may kinalaman sa illegal na droga.

Napakadaling gawin ng husgado ang pagbalewala o pagdismis sa mga kaso ng illegal drugs na sa kalimitan ay hindi pagsipot ng mga pulis na arresting officers sa court hearing ang nagiging basehan.

Pero wala naman tayong nabalitaan na sinomang awtoridad ang naparusahan ng hukuman dahil sa hindi pagdalo sa court hearing kaya nadidismis ang mga kasong may kinalaman sa illegal drugs.

CORRUPTION SA JUDICIARY

UMAMIN din si Sereno na may katiwalian nga sa hudikatura.

Pero taliwas sa pag-amin ni Sereno, walang naniniwala na ang corruption sa judiaciary ay nasa antas lamang ng mga empleyado sa mabababang hukuman.

Hindi ba’t siya pa mismo ang nagpa-imbestiga sa nangyaring eskandalo na pati election of officers ng Philippine Judges Association (PJA) ay nagawa raw manipulahin ng isang “Ma’m Arlene” na bigtime judiciary fixer.

Pero sa awa ni Satanas ay wala pong nangyari sa imbestigasyon.

Ano kaya ang tawag ni CJ Sereno sa nakakikilabot na TRO ng Court of Appeals (CA)?

PLUNDER LAW NABABOY

ANG corruption sa judiciary ay isa sa mga dahilan kung bakit dapat matuloy ang Charter change para baguhin ang Saligang Batas natin.

Ito lang ang paraan para burahin ang pag-abuso sa batas at katarungan na masyado nang nasalaula.

Dahil sa pabago-bago at paiba-ibang desisyon ng Korte Suprema, pati ang pinaghirapan na maipasang Plunder Law na ginastusan ng mamamayan ay nabale-wala.

Kahit maliwanag ang batas na ang sinomang nahatulan sa krimen na may kinalaman sa moral turpitude tulad ng plunder o pandarambong ay habambuhay nang ipinagbabawal na humawak ng anomang tungkulin sa gobyerno pero pinayagan nila ang mga ex-convict na sina ousted president Joseph “Erap” Estrada at Ilocos Sur Gov. Ronald Singson na muling makatakbo.

Pero si dating Zamboanga congressman Romeo Jalosjos ay idineklarang disqualified ng Supreme Court habambuhay.

Ang masama pa, silang mga kasalukuyang mahistradong nakaupo sa Korte Suprema rin ang gumawa ng magkaibang hatol sa magkatulad na kaso.

IPINAPA-AUDIT NA PONDO
NG JEEPNEY DRIVERS

(NAME WITHELD) – “Sana po matulungan n’yo kaming mga miyembro ng SM-BASIJODA na ma-floating po ang aming presidente habang sya ay pinapa-audit naming dahil napagalaman po namin sa Securities and Exchange Commission (SEC) na ang aming presidente ay ‘di po pala nagpapasok ng financial statements namin taon-taon at ‘di rin po official receipt ang gingamit niyang resibo kapag tumatanggap siya ng P15 Thousand na bayad ‘pag may nagpapa-myembro. Isa pa po, nakita rin po namin na 3 ang bank acct. ang nakapangalan sa kanya, ‘di po sa asosasyon namin. Sa pagkakaalam ko po, iyon ay bawal. Pinapa-audit po namin siya ngyon, nagbigay po s’ya ng 1 araw, ‘yun ay Sabado lang po. Ang problema po, ‘yun pong kinuha naming CPA ay ‘di na po ubra ng Sabado dahil pumasok po sya sa law school, Sabado at Linggo po ang pasok n’ya. Humihingi po siya ng ibang araw para mapalitan po ‘yung Sabado niyang pag- audit. Ang ibang opisyales po ay pumayag subali’t siya at ang treasurer ang ‘di po pumayag na pagbigyan ang hiling ng CPA namin. Sana po matulungan n’yo po kami para matuloy at matapos na po ang ginagawang pag-audit sa kanya para malaman po ng miyembro kung saan po napupunta ang araw- araw na koleksyon ng aming samahan. Kasi, ultimo ang trust fund po naming mga driver ay ‘di rin po binibigay. Wala pong magawa ang ibang opisyales naming. Kanino pa po kami lalapit, siya lang po ang batas sa aming samahan. Lumalapit po kami sa inyong tanggapan na sanay matulungan n’yo po kami sa aming problema. Dati po siyang driver, nangungupahan. Ngayon po may sarili nang jeep. Sana po imbestigahan n’yo po ito nang kami naman pong myembro ang makinabang. May terminal po kami sa SM-Fairview. Salamat po ng maraming, marami!” <Email/Aug. 10>

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *