BIGLANG nag-iba ang isip ni Pang. Rody Duterte sa planong Charter change (Cha-cha) o pagbabago ng ating Saligang Batas.
Constituent assembly (Con-ass) na ang nais ni Pres. Rody sa Cha-cha, imbes sa pamamagitan ng Constitutional convention (Con-con) na una niyang kursunada.
Magastos daw kasi ang Con-Con at mas makatitipid ang gobyerno sa Con-Ass.
Ang Con-ass at Con-con ay dalawa sa tatlong paraan na naaayon sa umiiral na Saligang Batas – ang 1987 Philippine Constitution.
Pero may matinding stigma na nakakapit sa Kongreso kaya hindi pa rin maalis ang pagdududa ng publiko at mamamayan na baka sa pansariling interes at kapakanan lamang ng mga politiko maidesenyo ang mahahalagang probisyon sa bagong Saligang Batas na lilikhain kung sa Con-ass dadaanin ang Cha-cha.
Bukod sa credibility crisis ng mga mambabatas, ang kanilang mandato bilang mga congressman at senador ay para lamang sa paglikha at pagpasa ng mga batas sa Republic Act o implementing rules and regulations (IRR) at hindi sa pagbalangkas ng Saligang Batas.
Posibleng nabago ang isip ni Pres. Rody sa payo ng mga kaalyadong mambabatas na nakapaligid sa kanya.
Marahil ay napagtanto ng mga mambabatas na hindi sila makapagpapasa ng batas at mawawalan sila ng kabuluhan habang binabalangkas ang bagong Saligang Batas, bagay na ‘di nila agad naisip nu’ng una.
Kung tutuusin, katiting na halaga lang ang magagasta sa Con-con sakaling matuloy ang Cha-cha kompara sa bilyones na pinaghahatian ng mga smuggler at magnanakaw sa Bureau of Customs kada buwan.
Bakit naman panghihinayangan ang magagastos na pondo sa Con-con kung sa ikabubuti ng bansa at mamamayan ang pangunahing pakay ng Cha-cha?
Gayong sa “timpalak ng patambukan” na tulad ng Ms. Universe ay nakahahanap ng paraan para paglaanan ng budget.
Sabi nga, kapag gusto raw ay may paraan!
SELF-SERVING ANG CON-ASS
PANUKALA naman ni House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez ang pagbuo ng isang Constitutional Commission (Con-Com).
Sa Con-Com, aniya, na bubuuin ng 20 miyembro, ipauubaya ang pagkalikot sa bagong Saligang Batas.
Pero ang problema, sa bandang huli, sa mga kamay pa rin ng mga pinagdududahang mambabatas bilang Con-ass nakasalalay ang kapangyarihan na busisiin at baguhin ang mga probisyon sa Saligang Batas na babalangkasin ng Con-Com.
Bilang depensa sa pinagdududahang kredibilidad ng mga mambabatas na makialam sa Cha-cha bilang Con-ass, wala rin naman daw garantiya na mga tamang kinatawan ang mapipiling sumulat ng bagong Konstitusyon sakaling sa Con-con idaan ang Cha-Cha, sabi ni Alvarez.
Nakalimutan ba ni Alvarez na ang maling pagpili ng mga botante sa walanghiyang politiko sa pamahalaan at Kongreso ang dahilan kaya marami ang naghirap dahil sa pagbagsak ng ating bansa?
Para tuloy lumalabas na ang mga mambabatas ay “infallible” o banal na hindi nagkakamali at higit silang magaling kaysa Saligang Batas na nagtakda sa Con-con.
‘Di ba sa kalimitang pangyayari ay mga mambabatas din mismo at pamilya nila ang pasimuno ng paglabag sa batas, tulad sa Anti-Political Dynasty na ipinagbabawal sa Saligang Batas?
Kahit pa sabihing hindi tuwirang labag na matatawag ang Con-Com ay wala ito sa tatlong paraan ng Cha-cha na nasasaad sa Saligang Batas.
Ang kredibilidad o tiwala ay ipinupundar, hindi iginigiit!
TUMAHOL NA ANG SURVEY
MATAPOS masira at mahubaran ng maskara sa nakaraang presidential elections, tumahol na naman ang survey.
Kesyo 37 porsiyento lamang daw ng mamamayan ang pabor at 44 porsiyento naman ang tutol sa Cha-cha, ayon sa Pulse Asia.
Bago sana maglabas ng survey ang Pulse Asia ay siguruhin muna nila na hindi sila nakaiinsulto para hindi sila mapagtawanan.
Hindi yata alam ng Pulse Asia, na pinagtatalunan na lang sa ngayon ang paraan kung Con-ass ba o Con-con – at hindi na kung ilan ang pabor at hindi sa Cha-cha.
Ito ay dahil mataas na pagtitiwala nang higit na nakararaming mamamayan kay Pres. Rody para sa tunay na pagbabago.
Ang tunay na pakay sa pagtahol ng Pulse Asia ay makinabang na naman ang ‘negosyo’ ng survey para pagkakitaan ang Cha-cha.
Kung tayo ang tatanungin, dapat nang ipagbawal ang survey kapag ang usapin ay may kinalaman sa mga sistema ng gobyerno at politika.
Maraming beses nang napahamak sa mga nagdaang eleksiyon ang mga botante sa maling pagboto dahil sa impluwensiya ng survey.
Hindi na nga nakatutulong, nakagugulo pa ang survey!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid