PINAGPIYESTAHAN ng publiko ang larawan ng kauna-unahang pagsasama ng apat na dating pangulo ng bansa kasama si Presidente Rody Duterte.
Philippine Team ang tawag ni dating Pangulong Fidel Ramos sa kanilang grupong pawang dating Punong Ehekutibo at Pres. Rody na dumalo sa National Security Council (NSC) meeting.
Pinag-usapan nila ang isyu ng West Philippine Sea (WPS), federalism, constitutional convention at peace process na isinusulong ng administrasyong Duterte sa mga rebeldeng grupo sa bansa.
Dumating sa naturang meeting sina dating Pangulong GMA, Noynoy Aquino at ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada.
Naging viral ang video na hindi kinamayan ni Aquino si GMA at umani ng matinding batikos sa publiko.
Parang hindi naturuan nang wastong asal ng kanyang mga dakilang magulang si Noynoy.
Pero ang hindi natin matanggap, kung ano ang maiiambag ni Erap sa isang pulong tungkol sa pambansang seguridad lalo na’t pinatalsik siya ng EDSA 2 sa Palasyo dahil sa korupsiyon.
Lalo sa aspeto ng peace process sa mga rebeldeng Moro dahil hanggang ngayon ay hindi naman niya ikinukubli ang pagkamuhi sa kanila.
Sa katunayan, sa isang pagtitipon sa National Press Club (NPC) noong bagong laya siya noong 2007, ipinagyabang niya sa mga mamamahayag na pinakatago-tago niya ang umano’y liham sa kanya ni US Secretary of State Madeleine Korbel Albright noong taon 2000 hinggil sa pagkontra sa kanyang idineklarang all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil sa interes daw ng US sa Mindanao.
Taas-noo pang ipinagmalaki ni Erap na ito ang dahilan kaya ‘trinabaho’ ni Uncle Sam ang pagpapatalsik sa kanya sa puwesto ngunit ang pangakong isasapubliko ang liham ni noo’y US Secretary of State Madeleine Albright.
Si Albright daw ang emisaryo ni noo’y US President Bill Clinton na kumausap sa kanya para pigilan ang kanyang iwinawasiwas na digmaan sa Mindanao.
Kailangan pa bang maging kalihim ng US ang isang tao para ipamukha sa kanya na walang naidudulot na kabutihan ang kautusang pagsabungin ang pare-parehong mga Filipino at lalong ilubog sa ibayong kahirapan ang ating bansa?
Halos isang milyon katao ang puwersahanng napalayas sa kanilang mga tirahan at naging internal refugees sa Mindanao dahil sa inilargang all-out war ni Erap.
Lalong lumala ang krisis pang-ekonomiya hindi lang dahil sa epekto ng globalisasyon kundi sanhi nang nanatiling slogan lamang ng rehimeng Estrada ang pagpapaunlad sa Filipinas.
Mas binigyang prayoridad ni Erap ang digmaan sa Mindanao kaya para wasakin ang kabuhayan at kitlin ang buhay ng mga Moro, binihusan niya ang opensiba ng militar ng isandaang milyong piso bawat araw na tuluyan nang naglubog sa ekonomiya ng bansa.
Habang nalalagas sa digmaan sa Mindanao ang populasyon ng Filipinas, nagpapakasasa sa pandarambong si Erap at kanyang mga kampon, ito ang tunay na dahilan kaya nagwakas nang maaga ang kanilang termino sa Malakanyang noong 2001.
Ang ganitong uri ba ng indibidwal at pinuno ang gustong makasama ni Duterte sa pagpapasya sa kapalaran ng pambansang seguridad ng bansa?
Convicted smuggler, nasaan na?
HINATULANG guilty ng Zamboanga City Regional Trial Court Branch 12 ang kaibigan ni Erap sa kasong smuggling ng mga ipinagbabawal na kemikal noong 2001.
Sinentensiyahan ni Judge Gregorio dela Peña III sina Lee Peng Wee, Nancy Lim at Tang Nge Foo ng walo hanggang 20 taon pagkakabilanggo sa kasong smuggling at paglabag sa Toxic Substance and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act.
Base sa testimonya ni Foo sa korte, si Wee ang “initiator and actual facilitator” ng ipinuslit na kemikal.
Depensa ng mga akusado, ginagamit daw sa paggawa ng foam para sa mga muebles ang mga kemikal pero hindi umubra sa hukom.
Si Wee ay Presidential adviser for Western Mindanao Economic Affairs ni Erap noong siya’y nasa Malacañang pa.
Isa lang si Wee sa ‘dubious personalities’ na nakasama ni Erap pero wala na tayong nabalitaan kung talagang nasa Bilibid siya at pinagdurusahan ang krimeng ginawa.
Kaya ang payo natin kay bagong Bureau of Corrections (BuCor) chief Alex Balutan, busisiin kung talagang nakakulong ang lahat ng dapat nakapiit sa Bilibid at iba pang penal colony.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid