NATAWA kami sa kuwento ng isang movie reporter. Nagkaroon daw siya ng relasyon sa isang male star. In short naging “on” sila. Pero ang hindi raw niya makalimutan sa kanilang relasyon ay noong minsan silang mag-away. Sinikmuraan daw siya niyon tapos binanatan pa sa batok. Nahilo siya at kailangang isugod sa ospital. Galit na galit daw siya. Tapos pagdating ng hapon, dumating daw ang male star. May dalang maliit na cake. Ang ending bati na sila.
Noong marinig namin iyon, ang naisip namin may basis pala talaga ang pelikula ni direk Joel Lamangan, iyong That Thing Called Tanga Na. Hindi ba naman? Eh ano ba ang itatawag mo sa ganoong sitwasyon?
Kung sa bagay, sabi nga ni direk Joel, alam niya ang ganoong buhay. Dahil lahat naman ng mga character sa kanyang pelikula, base sa kanyang personalidad at mga tunay na pangyayari sa buhay niya. Talaga naman daw matatawag na “tanga” pero mas mabuti na iyon dahil sa katangahan niya, naranasan naman niya kung paano ang maging “in love”.
Mabuti na iyang comedy ang pelikula ni direk Joel, dahil tiyak na magtatawa nang magtatawa ang mga manonood ng pelikula, at hindi naman iyong magiging offensive sa gay community. Kung nagkataong naging drama iyon, at ang naging feeling ng mga tao gusto nilang batukan dahil sa katangahan ang mga bading, ewan na lang.
HATAWAN – Ed de Leon