ITONG linggong ito ay ipalalabas na raw sa mga sinehan iyong pelikulang Ignacio de Loyola. Buhay iyan ng santong si San Ignacio na siyang nagtatag din ng samahan ng mga paring Heswita. Ang nakatutuwa, ang producers niyan ay ang mga paring Heswita mula sa Pilipinas. Iyan ay itinuturing na isang pelikulang Filipino, dahil mga Filipino ang gumawa kahit na nga Ingles ang ginamit na salita sa pelikula. Kailangan namang Ingles dahil iyan ay ipalalabas sa iba’t ibang bahagi ng mundo na mayroong Jesuit community. Iyan din ang kauna-unahang pelikulang Filipino na nailabas na sa Batikano.
Hindi iyan isang indie film. Iyan ay isang ambisyosong pelikula dahil milyong dolyar din ang naging puhunan para ang pelikula ay magawa. Actually nagtulungan din ang ibang mga Jesuit communities maski na sa abroad at ang mga deboto ni San Ignacio, para magawa ang pelikulang iyan. Nag-shooting sila sa Spain, at ang bida nila sa pelikula ay ang kastilang actor na si Andreas Munoz.
May isang kaibigan kaming pari na nagsabi sa aming maganda ang pagkakagawa ng pelikula, kaya nga gusto rin naming panoorin iyan kung magsisimula na ang theatrical exhibition sa linggong ito. At magbabayad kami, lalo na nga’t alam namin kung gaano kalaki ang puhunan sa pelikula.
Tiniyak sa kanila ng isang theater chain na ilalabas sila sa lahat ng kanilang sinehan, pero hindi rin namin inaasahang tatagal ang pelikula sa mga sinehan. Ang mga Filipino ay hindi pa masyadong nahihilig sa mga pelikulang relihiyoso. Iba kung nakagugulat ang pelikula gaya niyong Ten Commandments na nagpakita kung paano nahati ang dagat, kahit na nga hindi pa maganda ang opticals noon dahil wala pa namang computers at ang ginamit ay “glass shot” lamang, at least noong panahong iyon iba iyon.
Iyang Ignacio de Loyola ay simpleng paglalarawan lamang ng buhay ni San Ignacio, at dito sa ating bansa, hindi rin naman ganoon karami ang deboto ng santong iyan, pero inaasahan nila manonood na lahat ang mga estudyante at mga naging estudyante ng Ateneo. Maganda lang kung mapanood agad iyan dahil ang paniwala namin hindi tatagal talaga sa mga sinehan.
HATAWAN – Ed de Leon