SOBRA ang bilib sa sarili ni Bruha Burikak at sa kanyang amo kaya pala tuloy ang operasyon ng kanyang illegal terminal sa Lawton.
Ipinagkakalat niya na kahit mala-korduroy na ni Pres. Rody ang kanyang balat ay importante pala siya sa bagong gobyerno.
Sabi niya, kailangan pang humirit ng emergency powers ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso para mapaalis lang ang kanyang illegal terminal na pangunahing sanhi ng krisis sa trapiko, pati na ang illegal vendors.
Pero sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) kamakalawa, gigil na sinabi ni Pres. Rody na kagyat at paiigtingin niya ang pagpapabuwag sa awtoridad ng lahat ng illegal terminal alinsunod sa anti-colorum at out of line campaign ng administrasyon.
“Our anti-colorum campaign and out-of-line apprehension including the removal of terminals will be intensified and, my God, it will be done. Immediately, immediately,” sabi ni Duterte.
Babala pa niya, obligado ang lokal na pamahalaan sa kanyang administrasyon para magamit nang wasto ang mga kalsada sa Metro Manila.
Kung hindi naman siya bibigyan ng emergency powers para lutasin ang traffic crisis ay may ikinakasa na rin siyang alternatibong paraan upang tuldukan ang prehuwisyong binabalikat na kalbaryo ng mamamayang commuters.
Sumikat at kinatakutan si Pres. Rody sa tatlong dekada niya bilang halal na opisyal, hindi naman lihim kung paano niya pinatahimik ang dating magulong Davao City at ngayo’y unti-unti na rin nararamdaman sa buong bansa.
Susmaryosep, baka hindi lang sa Bilibid dumanak ang dugo, posibleng “hantingin” si Bruhang Burikak ng mga berdugo kapag hindi niya itinigil ang kanyang kawalanghiyaan sa Lawton.
Hindi siya kayang arborin ng amo niyang senstensiyadong mandarambong dahil galit na galit si Pres. Rody sa mga kriminal.
PRES. RODY DUTERTE GUSTO PANG GAWING KONTRABIDA NI ERAP
NOONG 2013 local elections, ipinagyabang ni Erap na bibigyan niya ng trabaho ang mga tambay na Manileño.
Para magmukhang tinupad niya ang pangakong trabaho, pinayagan niyang dumami ang illegal vendors, ginawang hanapbuhay ang pangongolekta sa kanila, mula sa pagpapaupa ng P100 payong kada araw at P160 hawlang kulay orange kada araw, kesehodang nakabalandra sila sa kalsada.
Isinapribado ni Erap ang lahat ng public markets sa Maynila, pinalayas ang lehitimong vendors at isinadlak sila sa kalye para kikilan ng dalawang grupong pribado na binasbasan niyang kolektahan.
Ang illegal vendors sa Recto Avenue, sakop ng Tondo at Binondo ay kinokolektahan ng Sto. Niño de Tondo Management and Consultancy Corporation, habang ang AL2FEREX ORGANIZERS, Co., may tanggapan sa No. 50 Vista Verde Avenue Extension, Vista Verde Executive Village, Cainta, Rizal, ang nangingikil sa mga vendor sa Carriedo at Hidalgo streets sa Quaipo.
Batay sa reklamo ng Manila Federation of Public Market Vendors Association Inc. (MFPMVAI) sa Ombudsman noong Agosto 2015, pumasok si Erap sa maanomalya at iregular na joint venture agreement (JVA) sa Marketlife management and Leasing Corporation (MMLC) para sa pagsasapribado ng Quinta Market.
Hindi dumaan sa public bidding ang proyekto na paglabag sa Procurement Law at ipinagkaloob ang kontrata sa MMLC na walang kakayahan sa P250-M halaga ng proyekto at peke pa ang address na ginamit sa mga dokumento.
Inaprubahan ni Erap ang unsolicited proposal ng MMLC na isakatuparan ang proyekto bago pa nairehistro nito ang kanilang korporasyon sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Malakas ang ugong na may ilalabas na suspension order ang Ombudsman laban kay Erap, hindi lang natin alam kung ito’y may kinalaman sa kasong isinampa ng MFPMVAI.
Kaya huwag na tayong magtaka kung bakit pinalalabas na bida ni Erap ang kanyang sarili sa mga vendor at si Pres. Rody na nais ibalik ang rule of law ang kontrabida kaya pinangungunahan niya ang “clearing operations” sa Maynila.
Gusto niyang maging kumot ang mga illegal vendors, kaawaan siya ng mga kinikikilan niya sa nakalipas na tatlong taon at tuligsain nila si Pres. Rody kapag nasuspinde siya sa korupsiyon.
Naisip kaya ng illegal vendors na ang kinotong sa kanila ang ginamit na puhunan ni Erap para magtayo ng kompanyang bumili ng public market sa Maynila?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid