35 local execs, pasok sa illegal drugs trade
Percy Lapid
June 10, 2016
Opinion
INILIGWAK kamakalawa ni Quezon Rep. Danilo Suarez na sinabi ni President-elect Rodrigo “Rody” Duterte sa mga kamiting na mambabatas na may 35 lokal na opisyal ang positibong sangkot sa illegal drugs trade.
Hindi naman ito nakagugulat at sa katunayan ay maliit pa nga ang bilang na 35 dahil may 122 siyudad at 1,489 munisipalidad sa buong bansa.
Baka madagdagan pa ‘yan kapag nakompleto na rin ang ebidensiya laban sa iba, kasama ang mga sangkot hanggang sa hanay ng barangay officials na sangkot din sa droga na ayon sa report ay umaabot sa 98 porsiyento.
Marahil ay kulang pa ang ebidensiya sa iba kaya 35 lang ang binanggit ni Pres. Rody.
Batay sa PDEA report, ay 11,000 sa 42,029 barangay sa Filipinas ang apektado na ng ipinagbabawal na gamot.
At lalong walang karapatan na magulat si Suarez dahil ang pinagmulan niyang lalawigan ay naitala sa kasaysayan na sa Quezon naganap ang pinakamalalaking drug-bust sa buong bansa.
Imposible naman na hindi kilala ni Suarez si dating Panukulan, Quezon Mayor Ronnie Mitra na nahatulan ng life imprisonment dahil nahuling maghahatid sana ng 500 kilo ng shabu na isinakay sa ambulansiya noong 2001.
Hindi rin marahil nakaligtas sa kaalaman ni Suarez ang ulat na ginamit na transshipment point ng international drug syndicate ang isla ng Icolong sa bayan ng Burdeos sa Quezon at sinalakay pa ng dating Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) ang isang safehouse roon.
Sabi ng PASG noon, may impormasyon sila na ang puganteng druglord na si Anton Ang ay nagkukuta sa Icolong.
Mas lalong tiyak na hindi nakalusot kay Suarez ang balita na bago namatay sa chopper crash ang dating Quezon Gov. at Liberal Party treasurer Raffy Nantes noong 2010 ay sumabit ang pangalan nito sa illegal drugs trade.
Noong Agosto 2000 ay nasakote ng military ang isang Raymond Tan na may parating na 365 kilo ng shabu sa Villa Vicenta sa Sariaya, Quezon.
Inarbor daw si Tan pati na ang mga droga ng isang PAOCTF top official.
Kung ganyan na kalala ang problema sa illegal na droga sa Quezon at sa buong bansa, ang inaasahan nating lumabas sa bibig ng mga mambabatas na tulad ni Suarez ay mag-aakda sila ng batas na magpapataw ng parusang kamatayan sa drug lord.
Ito nama’y kung totoo ang pagsisipsip nila kay Duterte at sa lahat ng adbokasiya niya na makabubuti sa bansa.
Narco-politiko itutumba rin?
GAYONG giyera ang idineklara ni Pres. Rody laban sa illegal na droga at milyon-milyong pisong pabuya ang tatanggapin nang makatutulong sa kampanya, aba’y dapat yatang unahin ang bakuran ng mga politiko.
Sa laki ng kinikita sa illegal drugs, tiyak na bumaha ng drug money noong nakaraang eleksiyon.
Kung talamak na ang problema sa illegal na droga, aba’y mas katanggap-tanggap na unahin sa hitlist ni Pres. Rod ‘yang narco-politicans.
Sila ang mga politiko na nakaluklok sa puwesto para payabungin ang illegal drugs trade, gaya ng 35 local execs na ibinulgar ni Pres. Rody.
Kung sila ang masasampolan, siyento porsiyentong bibilib nang husto ang taong bayan sa adbokasiya ni Pres. Rody.
Hindi na kailangan lumayo pa ang tropa ni General Bato dahil ang ilan sa kanila’y nagbababad sa Davao City ngayon sa pag-asang makahanap ng padrino.
Erap ikinanta na sa vote-buying
NAGHAIN ng mga dagdag na ebidensiya ang kampo ni Manila Mayor Alfredo Lim sa Comelec sa kasong diskuwalipikasyon na isinampa laban kay ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada.
May mga nagsumite na ng mga sinumpaang salaysay na kasama sila sa mga illegal na inupahan ni Erap para maging empleyado sa Social Welfare Department ng Manila City Hall habang umiiral ang election ban.
Ayon kina Victorino Andres at Jaime Ortega, tumanggap sila ng P5,000 bilang bayad kada buwan mula Enero hanggang Hunyo nang walang ginagawa.
Ibig sabihin, binayaran lang sila bilang empleyado na kung tawagin ay job order (J.O.) para matiyak na hindi na sila boboto sa kalabang kandidato ni Erap.
Dapat pala ay isama sa reklamo bilang kakutsaba ni Erap ang mister ni VM-elect Honey Lacuna-Pangan na siyang nakaupong hepe ng Manila Social Welfare Department.
Binatikos din ni Lim ang pagpasa ng ordinansa ng Konseho na nagtatakda na mamudmod ng grocery goodies sa senior citizens at pamamahagi ng computer tablet sa mga public school teacher.
Kompleto sa press release at media coverage ang garapal na paglabag sa election laws ni Erap kaya walang dahilan ang Comelec para hindi umaksiyon agad.
Kapag natengga ang mga reklamo laban sa sentensiyadong mandarambong sa poll body, mas lalong titingkad ang hinala ng publiko na talagang natatapalan ng kuwarta ang mata, tainga at bibig ng ilang corrupt na opisyal ng Comelec.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]