SI Maine Mendoza ang nanalo bilang Most Favorite Filipino Personality sa katatapos na Nickelodeon Kids award. Iyan ay isang award na ang tanging criteria ay popularidad sa mga bata at ang batayan ay mga boto na ginagawa sa pamamagitan ng internet.
Bago iyan, si Maine ay nakuha ring mag-portray ng mga Disney character para sa kanilang Asian calendar. Tiyak na ang batayan din naman ng pamimili ng Disneyay ang kanyang popularidad sa mga bata. Kung sasabihin mong ganda lang ang batayan, baka iba ang kinuha nila para maging Disney princess, pero hindi lang ganda kundi popularidad din at pagtanggap lalo na ng mga bata ang kailangan.
May nagtanong naman sa amin, bakit nga raw ba hindi si Maine o ang AlDub ang naparangalan kamakailan ng isang award giving body bilang pinakasikat na love team?
May malaki pong pagkakaiba iyang awards ng Nickelodeon. Kagaya ng sabi nga namin, iyan ay open sa publiko. Ibig sabihin, ang fans ang namimili riyan. Kung sino ang mas maraming fans na aktibo iyon ang panalo.
Iyon namang ibinigay ng isang award giving body, iyon ay base sa boto ng kanilang mga miyembro. Hindi iyon nagre-reflect ng damdamin ng publiko. Sila lang ang may sabi niyon. Ganoon naman ang lahat ng mga award. Iyong nananalo ay base lamang sa pinili ng kanilang grupo. Hindi ibig sabihin na basta binigyan nila iyon ng award, iyon na iyon. Iyon ay ayon sa palagay lamang nila.
Ngayon, kung iba pang “konsiderasyon” maliban sa palagay nila, o sa popularidad, wala na tayong pakialam doon. Kasabihan na nga rito, ”buntot mo, hila mo.” Walang pakialaman.
Kaya nga dumami ang mga award giving bodies. Bukod diyan, maski mga eskuwelahan nagbibigay na ng sarili nilang awards. Kasi nga nagkakaiba-iba ng palagay at paniniwala. May mga award giving bodies din naman na bumagsak na ang kredibilidad.
Nasa inyo na iyan kung ano ang paniniwalaan ninyo.
HATAWAN – Ed de Leon