NOONG ipakilala si Richard Gutierrez bilang “ultimate prime time king” sa press conference niyong Ang Panday, may narinig kaming comment sa likod namin na ang sabi ay ”ayun na”. Para bang may questions sila sa deklarasyong iyon. Bakit hindi ba totoo naman iyon?
Sa loob ng 11 taong buo, talaga namang dominated ni Richard ang prime time eh. Hindi naman naagaw sa kanya ang title na iyon dahil hanggang sa huli matindi pa rin ang ratings niya sa telebisyon, iyon nga lang nagpahinga siya ng dalawang taon. Noong magpahinga siya, may naglakas loob namang tawaging prime time king, pero bago pa man magbalik si Richard, nagpahinga na iyon sa prime time.
Kung iisipin mo, sino ba sa mga iyan ang tumagal sa prime time ng 11 taon na kagaya ni Richard? Kung may makagagawa ng 12 taon, o kahit na 11 taon at anim na buwan lang, baka nga masabing mayroon nang bagong prime time king. Pero hanggang walang nakabubuo ng ganoong record, aba wala silang karapatang kuwestiyonin ang sinasabing si Richard ang prime time king.
Iyang ganyang mga title, kagaya nga niyang prime time king, hindi iyan basta ibinibinyag lang, kailangan iyang patunayan. Hindi tama iyong mayroon lamang masabi ay gagawin na iyon. Paano nga kung kagaya niyan, tatanungin sila, bakit nalampasan mo na ba ang record ni Richard?
Kagaya rin iyan niyong box office queen. Ang unang tinawag na box office queen ay si Vilma Santos at nangyari iyon dahil nakagawa siya ng limang pelikulang sunod-sunod na hits at bawa’t isa ay nilalampasan ang kinita niyong nauna. Natawag na box office queen din si Sharon Cuneta dahil nakagawa naman siya ng pitong pelikulang hits na sunod-sunod, na bawat isa ay nilalampasan ang kinita niyong nauna. Bago natawag na box office queen si Sharon, nilampasan muna niya ang record na nagawa ni Vilma. Pagkatapos niyon, ilan na ang sinabi nilang box office queen na wala rin namang kinahinatnan.
Kaya iyang mga publicist, mag-isip isip din kung may time.
HATAWAN – Ed de Leon