Kampihan Blues sa Mamasapano laglagan blues sa Liberal Party (Sabwatang Chiz at Ochoa?)
Jerry Yap
February 1, 2016
Bulabugin
MALUNGKOT ang pamilya ng SAF 44 commandos dahil walang nangyari sa unang araw ng Mamasapano massacre investigation na binuksan ni Senator Johnny Ponce Enrile sa Senado para patunayan na mayroong pananagutan si Pangulong Noynoy sa nasabing insidente.
Tila mayroong umiral na ‘OMERTA’ o “code of silence” sa hanay ng mga inaasahang ‘bobomba’ sa ‘Lihim ng Guadalupe’ na nasa likod ng Mamasapano incident na ‘ikinasawi’ ng 44 commandos ng Special Action Force ng Philippine National Police (PNP-SAF).
Ang inaasahan ng pamilya ng mga biktimang SAF 44 ay makakamit nila ang ‘genuine justice’ sa nasabing hearing.
‘Yun bang tipong sa wakas ay nalinawan ng sambayanan kung ano talaga ang nangyari kung bakit nagwakas sa mga tila ‘kinatay’ na SAF commandos ang misyon na dakpin, patay o buhay, si Marwan.
Buhay ni Marwan, kapalit ng buhay ng SAF 44.
Sabi nga, “ang mag-alay ng dugo para sa bayan ay kadakilaan” pero ang hindi maintindihang pagkakapaslang sa SAF 44 ay nanatiling ‘misteryo’ ng kataksilan sa bayan.
Huwag kalimutan na ang Senate Committee on Public Order ay pinamumunuan ni Sen. Grace Poe, ang presidente ni Sen. Chiz Escudero.
Kaya nakapagtataka kung bakit hindi isinalang at tinanong ni Chiz si Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa, Jr., sa Mamasapano hearing.
Kung tutuusin, maraming alam si Ochoa bilang little president at best friend ni PNoy.
Tiyak na alam ni Ochoa ang nangyayari habang ‘kinakatay’ ang SAF commandos sa Mamasapano.
Ang impluwensiya ni Ochoa bilang executive secretary ay napakalawak hanggang PNP, AFP at iba pang departamento at ahensiya ng gob-yerno.
Marami ang nagtatanong, baka naman pinoprotektahan ni Chiz si Ochoa dahil bantad na bantad na sinusuportahan ang kanyang kandidatura.
Marami ang nagsasabing, halos lahat ng tao ni Ochoa ay nasa poder ni Chiz ngayon at nagtatrabaho sa kanyang kampanya.
Kung totoo ito, malinaw na harap-harapan ang ginagawang panlalaglag ni Ochoa sa Liberal Party, partikular na sa kandidatura ni Leni at ‘yan ay dahil sa mahigpit na alyansa nila ni Chiz.
Never forget: ang NOY-MAR ay naging NOY-BI sa sabwatang Chiz at Ochoa noong 2010?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com