UMABOT pala ng P15-M ang kinita ng pelikulang Everything About Her ni Ate Vi (Gov. Vilma Santos) noong first day lamang. Nakatutuwa namang isipin, dahil iyong iba nga riyan ni hindi umaabot ng P10-M ang kinita ng pelikula sa kabuuan ng 10 araw na festival. One hundred theaters naman kasi sila nationwide. Kasi kung hindi nila gagawin iyon, baka mauna pang lumabas ang mga pirated copy sa probinsiya kaysa pagpapalabas niyon sa mga sinehan.
Kaya nga kung minsan nakakasama ng loob iyong nalalaman mong iyang Optical Media Board ay umaambos pa sa kita ng festival, pero wala namang magawa para mabawasan man lang ang film piracy.
Pero iyan ay isang katunayan na talagang tinatangkilik pa rin ng publiko ang mga pelikula ni Ate Vi. Hindi magagawa ng fans lamang na maging isang malaking hit ang isang pelikula. Iyong publiko in general ang siyang gumagawa niyan. Naka-establish naman kasi si Ate Vi ng credibility bilang isang aktres kaya nga tiwala ang publiko na basta pelikula niya, hindi masasayang ang pera nilang pinaghirapang kitain.
May nagsasabi ngang ngayon, pagkatapos ng kanyang trabaho bilang gobernadora ng Batangas, hindi na ganoon kahigpit ang oras niya sa trabaho. Mas maganda kung babalikan na niyang muli ang telebisyon, para maipakita naman sa lahat na hindi lamang sa pelikula, maging sa telebisyon ay kaya pa niyang kumuha ng mataas na ratings. Kung mangyayari iyan, maliwanag nang plastado na ang mga kalaban niya. Tapos na ang laban.
HATAWAN – Ed de Leon