NGAYON, masasabi nga nating wala na si Kuya Germs. Naihatid na nga siya sa huling hantungan. Pero nakatutuwang isipin na simula noong unang gabi ng lamay para sa kanya, dinagsa na iyon ng napakaraming tao. Dumating ang lahat halos ng mga artista, in fact sinasabi nga namin na ang wake ni Kuya Germs ang pinakamalaki na sigurong gathering of stars. Lagi ring naroroon ang mga kaibigan niyang press at siyempre ang fans.
Isa lang ang sinasabi nilang dahilan kung bakit sila naroroon. Somehow, nadama nila ang pagmamahal at pagmamalasakit ng master showman sa kanila. Natural namang nang dumating ang panahon ng pamimighati ng kanyang mga mahal sa buhay dahil sa kanyang pagpanaw, sila naman ang magpakita ng kanilang concern.
Naalala tuloy namin ang isang napuntahan naming wake, na napakaganda rin naman pero walang mga taong dumarating. Nagtatanungan nga sila, “bakit walang tao”. Ayaw na naming sagutin ang tanong na iyan. Pero ang masasabi nga lang namin, nakita ng lahat ang pagmamahal sa kanila ni Kuya Germs kaya naroroon sila.
Lahat din ng malalaking lider ng industriya ay nagbigay pugay sa pagyao si Kuya Germs. Napansin din namin na hindi lamang ang kanyang home network ang nagbigay parangal sa kanya. Pinarangalan din siya sa mga top program ng kanilang rival network. Noon lang kami nakakita ng ganoong lamay ng isang taga-showbiz na naroroon lahat ang mga ob van ng lahat halos ng network.
Ngayon nakita natin kung gaano nga pala kahalaga si Kuya Germs sa industriya ng entertainment sa ating bansa. Walang makakapalit si Kuya Germs.
HATAWAN – Ed de Leon