Ganyan naman ang mga pelikula kung MMFF. Ang unang consideration lagi ng mga gumagawa ng pelikula ay iyong kumita sila. Iyang festival na iyan ay sinasabi ngang nasa pinakamalakas na playdate sa buong isang taon. Noong araw pinag-aagawan ang playdate na iyan ng lahat ng mga pelikula, hanggang sa inilagay nga ang festival sa ganyang panahon para matulungan ang industriya ng pelikulang lokal, ng noon ay Metro Manila Governor at First Lady na si Imelda Romualdez Marcos.
Hindi talagang masasabing maganda ang relasyon ng mga Marcos sa pelikula, dahil noong panahong iyon ay maraming militanteng film makers na gumagawa ng mga pelikulang laban sa gobyerno. Pero naging interesado silang tulungan ang industriya at ang mga manggagawa noon. Noong panahong iyon, lahat ng kinikita ng festival ay ibinibigay sa Mowelfund. Nang maglaon, binibigyan ng kaunti ang Cultural Center of the Philippines. Hindi kagaya ngayon na ang kaunting kinikita ng festival ay tinatalbusan pa ng gobyerno. Kumukuha sila ng isang parte para sa Optical Media Board. Kumukuha rin ng isang parte para sa “social fund” ng presidente ng Pilipinas. Kumukuha pa rin ng “cash gifts” ang ilang opisyal ng MMDA na sinasabi nilang “nagpagod din naman” para sa festival.
Mahal na ang bayad sa sine. Sa maniwala kayo’t sa hindi, nagbabayad kami kung kami ay nanonood ng sine dahil gusto naming kumita ang mga pelikulang Filipino, at labag sa prinsipyo namin ang manood ng libre, dahil may puhunan din naman ang pelikula. May gastos din ang mga sinehan.
Horror movies, uunahing panoorin
Panonoorin namin iyang Beauty and the Bestie. Pero ang una naming panonoorin ay ang dalawang horror movies, iyongHaunted Mansion at Buy Now Die Later. Gusto naming makita ang mga pagbabago sa pag-gamit ng optical effects. Tapos manonood kami ng isang love story, iyong Walang Forever. Magaling naman kasing artista sina Jericho Rosales atJennylyn Mercado.
Pagkatapos naming mapanood ang apat na pelikulang iyan, tama na. “Boundary” na kami. Aba mahigit P1,000 na ang gastos dahil mahal na nga ang admission prices, eh iyong pamasahe pa at pambili ng popcorn. Iyong gumastos ka ng P1,000 para manood ng sine, matindi na iyon dahil hindi naman ganoon kaganda ang buhay natin ngayon. Maliban na nga lang siguro sa mga tumatanggap ng milyon-milyong piso para sa ginagawa nilang political endorsement, na tax free pa ha kasi hindi naman nila inaamin, sinasabi nilang walang bayad iyon. Tell that to the marines.
Ilang araw na lang festival na. Pasko na. Iniipon na namin ang mga barya-barya para mapanood ang lahat ng gusto naming pelikula, at para pambigay din naman sa mga batang nagka-carolling.
( Ed de Leon )