NAKITA namin iyong trailer ng Honor Thy Father na pelikula ni John Lloyd Cruz. Tungkol pala iyon sa isang financial scam, na ang background din ng kuwento ay iyong tungkol sa pagiging miyembro ng mga main character sa isang sektang protestante.
Base sa trailer na aming nakita, mukhang maganda ang pagkakagawa ng pelikula. Base naman sa mga review na nabasa na namin, dahil iyan ngang pelikulang iyan ay inilabas nang una sa Toronto International Film Festival, malaki ang posibilidad na humakot iyan ng awards.
Sabi nga nila, napapanahon ang kuwento ng pelikula. Kasi marami naman talaga ang nagiging biktima ng mga financial scam sa ngayon. Marami rin kasi ang nag-aasam ng malaking tubo para sa pera nila, kaya ang napapasukan nila sa halip na tumubo ang pera ay nawawala pa.
In short, ipinakita sa pelikula ang karaniwang problema sa mga ganyang financial scam, at siguro nga kung mapapanood natin ay may matututuhan din naman tayo. Iyon ay kung paano umiwas sa mga ganyang klase ng problema.
Inaasahan din nila na ang pelikula ay lalaban ng pukpukan sa takilya sa festival. Hindi naman imposible iyan dahil si John Lloyd ay isa sa ating mga established box office stars talaga.
HATAWAN – Ed de Leon