MAY mga pelikulang hindi pa man naipalalabas, tiyak na silang kikita. Sinasabi nga nila, maraming mga tao ang nanonood ng isang pelikula hindi pa man nila alam kung ano ang istorya niyon, o kung ano ang kalidad ng pelikula. Nagtitiwala lang sila sa kung ano ang lumabas sa promo ng pelikula at sa popularidad ng mga artista.
Minsan tuloy, may mga pelikulang matino naman pero hindi kumikita, kasi kapos sa promo. Minsan naman may mga pelikulang nababasa mo nga, mali naman ang promo. Wise na kasi ang tao ngayon. Bago sila magbitaw ng P200 bayad sa sine, gusto nila sigurado sila. Bakit ka nga naman magbibitaw ng P200 eh ang hirap kitain niyon. Lalo na nga’t hindi ka naman sigurado sa pagkakagastahan mo. Sanay na rin naman kasi ang mga tao roon sa mga comment na ang totoo ay pralala lang. Hindi na nila pinaniniwalaan iyon. Kung alam nila na puro pralala lang naman ang nababasa nila, malamang sa hindi hintayin na lang nila iyon sa tig-P20 na DVD.
Mayroon namang natatangay ng popularidad at kredibilidad ng mga artista. Isang magandang example iyang A Second Chance. Hindi natin alam kung ano ang content ng pelikulang iyan, pero kung ang pagbabatayan mo ay iyong pelikulang One More Chance na siyang sinundan niyan, at naging isang malaking hit noong araw, at ang titingnan mo ay ang kredibilidad nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo bilang mga artista, tiyak sa unang araw pa lang panonoorin mo na ang pelikula.
Kung ganoon kasi ang kredibilidad ng mga artista, susugal ka kahit na hindi mo pa alam kung ano talaga ang hitsura ng isang pelikula. Kung mapapansin din ninyo, ang malaking kinikita ng isang pelikula ay nasa tatlong unang araw niyon, ibig sabihin mas marami iyong nagtitiwala sa kredibilidad ng artista.
Para mapatunayan iyan, iyong pelikulang Heneral Luna, noong mga unang araw flop iyon. Kasi nga walang malaking artista. Nang malaunan na lang naging hit iyon, dahil kumalat ngang maganda ang pelikula. Pero bihira ang kagaya niyong pelikulang Heneral Luna. Karaniwan kasi basta ang pelikula ay hindi kumita sa mga unang araw, pinu-pull out na sa mga sinehan kaysa mas malugi pa ang producer sa kababayad ng minimum guarantee ng sinehan.
Kaya malaking advantage talaga iyong sikat ang artista mo.
HATAWAN – Ed de Leon