GANYAN din naman ang pelikula ni Nora Aunor, na ngayon ay ipalalabas pa nga raw sa isa na namang film festival sa Spain, pero siguro nga kahit na bukas pa ang Cine Baron sa kalye Espana hindi mailalabas iyang pelikulang iyan. Tinatanggihan kasi ng mga sinehan ang ganyang pelikula. Maganda nga pero hindi naman commercially viable.
Una, alam ng mga tao na tinipid lang ang pagkakagawa, bakit nga naman sila babayad ng napakamahal na admission price kung ganoon lang. Ikalawa, parang inililihim ang mga pelikulang ganyan, na ang publisidad ay makikita mo lang sa Facebook. Wala silang TV promo. Wala silang newspaper ads. Isa pa, walang malakas na supporting cast na kailangan sana dahil hindi na rin naman ganoon katindi ngayon ang popularidad ni Nora.
Ano ba talaga iyang mga iyan, gumagawa lang ba sila ng pelikula para makasali sa mga film festival sa abroad? Sinasabi nila nananalo sila ng awards, pero walang nababalitang mga distributor sa abroad na naging interesadong ilabas ang kanilang pelikula. Maski na sa cable television hindi sila nakukuha. Rito nga sa atin may mga pelikula si Nora na hindi pa nailalabas sa sine, ni wala pa kahit na sa DVD, pero napanood mo na sa TV, ang masakit wala pang ratings.
Bakit hindi mag-isip si Nora na gumawa ng pelikulang kikita?
(Ed de Leon)