Dapat pantay ang pagpapatupad ng batas sa mayaman o mahirap
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
August 24, 2015
Opinion
ANG pagpipiyansa ay karapatan ng lahat na akusado at hindi puwedeng ipagkait ito kahit ng hukuman maliban na lang kung ang nasasakdal ay nahaharap sa krimen na may kaparusahan na habang buhay na pagkakabilanggo (capital offense) at malakas ang ebidensya laban sa kanya.
Ito ang dahilan kaya maraming nagulat at nagalit kung bakit pinayagan ng Korte Suprema na makapagpiyansa si Senador Juan Ponce Enrile kaugnay ng kasong plunder na kanyang kinakaharap. Ang plunder ay isang “capital offense” na may katapat na parusang habang buhay na pagkakabilanggo o reclusion perpetua. Naniniwala rin ang marami na malakas ang ebidensya laban kay Enrile kaya naisampa at tinanggap ng Sandiganbayan ang kaso.
Hindi maintindihan ng taong bayan kung bakit kahit “non-bailable” ang plunder ay nakapagpiyansa si Enrile. Nasampahan ng kaso ang pamosong mambabatas noong nakaraang taon matapos madawit sa multi-milyon pisong Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.
Ayon sa Korte Suprema ang masamang kalagayang pangkalusugan ni Enrile at ang tungkulin ng pamahalaan na ipatupad ang “United Nation’s Universal Declaration of Human Rights” ang mga dahilan kung bakit siya pinayagang magpiyansa.
Ipinaliwanag pa ng korte na ang piyansa ang isang paraan na magtitiyak na dadalo si Enrile sa mga pagdinig ng kanyang kaso at isa rin itong pagsisiguro na protektado ang interes ng estado’t mamamayan. Kombinsido rin korte na hindi tatakas si Enrile batay na rin sa kanyang record mula pa noong masampahan siya ng kasong rebelyon.
Pinansin din ng korte na hindi sinagot ng pamahalaan ang argumento ni Enrile na puwede siyang magpiyansa dahil hindi na maaring ipataw sa kanya ang parusang “reclusion perpetua” kung sakaling mapatunayan na siya’y nagkasala kasi mahigit na siyang 70 taon nang maganap ang umano’y plunder. Idiniin pa niya na siya ay kusang sumuko sa batas kaugnay ng kasong ito. Gayon man, paliwanag ng korte, hindi ito naging batayan sa kanilang desisyon.
”Humanitarian reason” ang basehan nang kagulat-gulat na pasya ng korte sa kaso ni Enrile. Isinaalang-alang ang kanyang edad at kalusugan. Para sa akin laging makatarungan ang “humanitarian reason” na basehan ng isang desisyon kahit hindi ito laging katanggap-tanggap sa ating panlasa. Bukod dito ang desisyon ng korte, sinadya man o hindi, ay ayon sa ating kaugalian na pagbibigay galang o daan sa matatanda. ‘Ika nga “culturally correct” ito.
Ang problema ay hindi laging ganito ang nangyayari. Mapili at napipili lamang ang pinagpapatuparan ng ganitong siste. Madalas mga makapangyarihan at mayayaman lamang na tulad ni Enrile ang nakikinabang sa “humanitarian reason.” Dito sa atin kung walang-wala ka, kawawa ka. Tiyak na tatanda o mamamatay ka sa selda.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sahttps://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.