ILANG oras lamang matapos na siya ay himatayin nang totohanan habang kinukunan ang eksena ng kanyang kasal, may lumabas na medical bulletin na nagsasabing ok na raw si Yaya Dub. Ang tanong nga ng isang kaibigan namin, “how popular is she to merit the issuance of a medical bulletin”.
Iyang paglalabas ng medical bulletin ay nangyayari lamang kung ang nasa isang ospital ay isang dignitary, isang mataas na opisyal ng pamahalaan, o kaya ay isang napaka-importanteng tao na inaakala nilang ang kalagayan ng kalusugan ay dapat malaman ng publiko sa kung ano mang dahilan.
Pero hindi namin masisisi kung sino man ang huminging magpalabas ng isang medical bulletin dahil matapos ang pangyayaring iyon, lalo na noong mabalitang totoo palang hinimatay si Yaya Dub at hindi bahagi ng script para hindi matuloy ang kasal kay Yackie, aba eh bumaha na ang mga inquiry sa social media. May isa pa nga kaming informant na nagsabing sinugod ng mga news correspondent ang ospital nang mabalitaan nilang doon dinala si Yaya Dub, pero nai-release naman pala siya agad.
Hindi lang daw niya nainom ang mga gamot niya noong umaga kaya nahilo siya ng ganoon. Usually nangyayari ang ganyan sa mga diabetic, at ang tawag sa ganyang sitwasyon ay hypoglycaemia kung diabetic siya. Minsan naman sinasabing ang dahilan niyan ay kulang sa potassium. Pero huwag tayong gumawa ng speculations kung ano talaga ang dahilan, doon na muna tayo sa masyado lang siyang napagod kaya nangyari iyon.
Pero para sa amin, iba na ang issue eh. Ang issue namin diyan, masasabi bang talagang sikat si Alden Richards at natangay niya sa popularidad ang hindi pa kilalang si Maine Mendoza? O masasabi bang si Maine ang dahilan kung bakit nagkaroon din ng buhay ang career ni Alden?
Matagal na kasi si Alden eh. Iyong ginawa niyang serye iyon pang Alakdana, hindi naman siya sumikat nang husto. Marami ng kasunod na guest-guest siya na wala rin naman. Naging co-host siya sa Eat Bulaga ganoon lang din naman. Noon lang sumulpot ang character ni Yaya Dub at nagpabebe sila kaya sumikat sila nang husto. Sino nga ba ang nagdadala?
HATAWAN – Ed de Leon