Epal si Bistek
hataw tabloid
July 27, 2015
Opinion
GINULAT at hindi inakala ng marami na ang isang makapangyarihan at maimpluwensiyang relihiyon ng Iglesia ni Cristo (INC) ay magkagulo dahil sa mga akusasyon ng korupsiyon at iba pang iregularidad sa loob ng simbahan.
Marami ang espekulasyon sa simula pero makalipas ang ilang araw, ang kontrobersiya ay luminaw. Ang bangayan ay sa pagitan ng tinaguriang council of elders kontra sa ilang ministro at miyembro kabilang na ang mga kapatid at nanay ng mismong lider ng INC na si Ka Eduardo Manalo.
Tama lang naman na walang dapat manghimasok sa nangyayari sa loob ng INC dahil internal na usapin ito ng kanilang simbahan. Pero kung ang pangyayari ay may kaugnayan sa pagdukot, pananakot, kidnapping at iba pang uri ng intimidasyon, ang estado ay maaaring magsagawa ng imbestigasyon para alamin kung meron ngang krimeng naganap o nagaganap.
Pero nakagugulat ang pag-epal nitong si Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista. Nagtungo pa mismo sa bahay ni Felix Nathaniel Angel Manalo, kung saan nangyayari ang kaguluhan, at parang pulis na nagtanong at nag-imbestiga kung ano ang nangyayaring sigalot sa Iglesia.
Kung mismo ang mga pulis ay hindi pinapasok sa bahay ni Angel, pati na ang mga kagawad ng NBI at Commission on Human Rights, si Bistek pa kaya? Ang hirap kasi kay Bistek palaging naghahanap ng publicity. Epal na epal ang dating ni Bistek; paikot-ikot na nagpapapansin sa harap ng media.