NOON din mismong araw na iyon sa thanksgiving ng Flordeliza, sinabi ni Marvin Agustin na nakahanda siyang tulungan ang actor na si Jiro Manio. Maaari raw niyang bigyan ng trabaho iyon sa alin man sa kanyang mga negosyo kung talagang ayaw na niyong mag-artista.
Pero mas tama ang sinabi ni direk Wenn Deramas, na siya man ay nakahanda ring tumulong kay Jiro pero ang pagbabago sa buhay niyon ay nakadepende sa kanya mismo. Kahit na nga naman gusto mo siyang tulungan, kung siya mismo ay hindi niya tutulungan ang sarili, wala ring mangyayari. Kaya ang dapat maging maliwanag na gusto na talaga niyang baguhin ang kanyang buhay at mamuhay na siya ng matino.
Kung iisipin mo, suwerte na rin iyang si Jiro. Hindi lahat ng napupunta sa ganyang sitwasyon ay inaalok ng ganyan karaming tulong ng mga kasamahan. Suwerte siya dahil ang nagsimula ng pagtulong sa kanya ay si Aiai delas Alas, na alam naman nating marami ring kaibigan sa showbusiness. Pero siguro nga maidaragdag din naman na nakilala nila si Jiro noon na isang mabait na bata. Kung hindi rin naman siguro ganoon, walang tutulong sa kanya.
Maraming mga artistang nalulong din sa masamang bisyo, pero hindi inalok ng ganyan karaming tulong. Suwerte na rin talaga si Jiro, pero kagaya ng nasabi, anumang tulong ang ibigay sa kanya kung hindi naman niya tutulungang makabangon ang sarili, wala rin.
Iyong pagbabago, nasa sariling pagsisikap talaga iyan.
(Ed de Leon)