ISANG malaking protesta ngayon ang isinasagawa ng mamamahayag laban sa KAPUSO GMA-7 dahil sa isyu ng contractualization.
Pero hindi simpleng contractualization ang isyung kinapapalooban ng mga mamamahayag sa GMA-7 o ‘yung tinatawag na Kapuso network.
Ilang mamamahayag sa Kapuso network ang tinatakan ng management na ‘talents.’
‘Talents’ kuno sila dahil hindi sila kabilang sa mga regular na empleyado ng GMA-7.
Kung sa pangkaraniwang pabrika, ang tawag sa kanila pakyawan or piece rate worker.
Kumbaga, babayaran sila, base sa trabahong nai-produce nila.
Pero sa kapuso network, talents ang tawag sa kanila base sa produksiyon na nililikha nila.
Ito ngayon ang siste, komo talents sila, hindi sila maaaring tumanggap ng ‘kabayaran’ o itinuturing nila suweldo sa Kapuso network hangga’t wala silang acknowledgement receipt (AR) or official receipt (OR).
At ‘yan ang problema ng mga binansagang ‘talents’ sa Kapuso network.
Bago sila makapag-produce ng resibo, kailangan nilang sumailalim sa mga prosesong itinatakda ng rentas internas.
Sa prosesong ito, gagastos sila nang pinakamababa sa P5,000. At kapag mayroon na silang permit to print saka lang sila makapagpapaimprenta ng resibo at kailangan din nilang gumastos nang hindi kukulangin sa P10,000 para makapagpaimprenta ng resibo na ang pinakakaunting volume ay 10 booklet. Kung hindi aabot ng 10 booklet, walang imprentang tatanggap sa kanila.
Mantakin ninyo, bago nila masingil ang halagang P7,000 sa pinakamababa sa GMA 7 bilang talents daw, ‘e kailangan nilang gumastos nang hindi kukulangin sa P15,000?!
What the fact!?
Hindi ba’t malinaw na pag-iwas ‘yan ng Kapuso network sa kanilang mga obligasyon at responsibilidad sa tinatawag nilang talents pero sa totoo lang ay gumaganap sa kanila ng mga tungkulin na higit pa sa isang regular na empleyado?!
Inilunsad ng mga miyembro ng Talents Association of GMA (TAG) ang tigil-trabaho nitong Hunyo 5 bilang kilos-protesta at tugon sa ‘pagpigil’ ng management sa kanilang sahod.
Nitong nakaraang buwan, ang sahod ng mga talent ay ginawang tseke, at ipalalabas lamang kapag nakapag-isyu ng acknowledgment receipts (AR). Nanindigan ang TAG members na sila ay regular employees kaya hindi na nila kailangan mag-isyu ng AR.
Mahigit 100 TAG members ang naghain ng reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) nitong nakaraang taon.
Makaraan ang mahigit isang taon, nanatiling nakabinbin ang kaso.
Ayon kay Shao Masula, TAG vice president, ang kanilang mga miyembo ay nakatanggap na ng return-to-work memorandums mula nitong Miyerkoles, Hunyo 4.
Kung hindi sila papasok, sila ay tatanggalin na sa kanilang trabaho.
‘Yung hindi nagpapasuweldo nang maayos, sila pa ba ngayon ay may karapatang magtanggal sa mga empleyado?
Malawak na ang suportang natatanggap ng TAG.
Lumahok ang campus journalists at mass communication students sa nasabing kilos-protesta.
Nagpasalamat si Ria Tagle, chairperson ng Student Council of University of the Philippines College of Mass Communication (UP-CMC) sa TAG “for fighting for the future of the next generation of media practitioners.”
Habang kinondena ni Marc Lino Abila, national president ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ang pagsupil sa karapatan ng GMA 7 talents.
Inihayag din ni Michelle Ann Ruiz, vice chairperson ng Student Council of the Polytechnic University of the Philippines College of Communication, ang pakikiisa ng PUP students sa TAG.
Nariyan din ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na todo-suporta sa TAG.
Sa ganang atin, hangad natin na magkaayos ang dalawang panig sa makatarungang kasunduan.
Walang mawawala sa Kapuso management, kung haharap sila sa mga nagpoprotestang empleyado para ayusin ang isang isyung matagal nang umaagrabyado sa hanay ng mga mamamahayag.
Panahon na para magkaisa ang dalawang panig para tutulan ang mapanlamang na sistema ng constractualization na umiiral ngayon sa lahat ng industriya sa bansa.
Hindi ba’t mas magandang sa hanay ng mga ‘tagapagahatid ng katotohanan’ maresolba ang isyung ito, Kapuso network?!
Mayor Fred Lim hinihintay na ng Maynila
MARAMI tayong natatanggap na feedback at nakakausap na nasasabik na sila sa pagbabalik ni Mayor Alfredo Lim sa Maynila.
Anila, sumangsang daw ang hangin sa Maynila mula nang mawala si Mayor Fred Lim.
‘E kasi nga naman, mula nang mawala sa Maynila si Mayor Fred Lim, hindi na sila nakakita nang malinis na kalsada sa lungsod.
Bumantot nang husto sa basura ang Maynila.
Sandamakmak ang nakikitang traffic enforcer ng MTPB sa main thoroughfare pero hindi para pagaanin ang trapiko ng mga sasakyan kundi para kotongan ang mga driver na namamasada sa kalye.
Ang anim na pampublikong ospital na dating nagbibigay ng libreng serbisyo sa mga mamamayan ng Maynila at ilang karatig na lungsod at probinsiya, ngayon ultimo bulak at alcohol ay binabayaran o bibili na ang pasyente.
Baka nga pagdating nang araw, pati paracetamol ay baunin na ng mga pasyente.
Ang mga vendor na nagsisikap mabuhay nang maayos sa pamamagitan ng pangungutang sa 5/6 para makapagtinda lang ay hilahod na sa walang hanggang pangongotong ng ilang mga tiwaling pulis at opisyal ng Manila city hall.
Wala rin katapusan ang kotongan sa mga nagkalat na iba’t ibang uri ng kailegalan gaya ng mga sugal-lupa, tupada, bookies, STL cum jueteng, iba’t ibang uri ng aliwan, at KTV bar sa iba’t ibang distrito sa Maynila.
Hindi ba’t talamak na naman ang red tape sa city hall?!
May dapat pa ba tayong ipagtaka kung bakit nami-miss ng mga Manileño si Mayor Fred Lim?!
Pakisagot na nga po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0927.590.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com