INULIT na naman pala ni Kalinga Governor Joel Baac ang pisikal na pananakit.
Sa pagkakataong ito, ang provincial board secretary na si Matthew Matbagan naman ang nakaranas ng ‘mabigat at malupit na kamay’ ni Governor.
Kung hindi po ninyo naaalala, si Mr. Baac po iyong gobernador na sinuspendi ng Malacañang noong 2012 dahil sa kanyang pagsugod sa isang radio station at saka pinukpok ng microphone ang radio broadcaster na si Jerome Tabanganay.
Si Tabanganay, pinukpok ng microphone sa ulo ni Gov. Baac, si Matbagan naman ‘yung provincial board secretary, pinitsarahan, pinagsusuntok sa mukha at sa iba pang bahagi ng katawan.
Natigil lang umano ang pambubugbog kay Matbagan nang pumasok ang provincial security guard.
‘Yan daw ay nag-ugat sa isang bahagi ng resolution na nagdedeklara na ang Gabriella Mija Kim Medical Center sa Barangay Agbannawag ay magiging annex ng Kalinga Provincial hospital.
Pero may bahagi raw doon na ganito ang sinasabi: “…directing the latter to restore the health services thereat.”
Doon umano nainsulto si Baac kaya sa harap ng ibang bisita sa loob ng kanyang tanggapan sa Provincial Capitol ay pinitsarahan at binugbog si Matbagan.
Sonabagan!
Aba ‘e talaga palang mabigat ang kamay nitong si Gov. Baac.
Talagang hindi siya natututo sa karanasan.
Kanino at saan ba talaga nanghihiram ng ‘tapang’ at kapal ng mukha si Gov. Baac?!
Sa pagiging Liberal Party stalwart ba niya?
O baka naman hindi talaga alam ni Governor Baac kung ano talaga ang tungkulin at tamang postura niya bilang public servant.
Akala ba ni Gov, komo siya ang punong ehekutibo ng lalawigan ‘e puwede na siyang manakit ng kahit sino sa kanila!?
Paging SILG Mar Roxas, ano bang disiplina ang dapat kay Gov. Baac para matauhan ‘yan?!
Mukhang hindi natututo sa suspension. Bigat-bigatan n’yo kaya ang pagpapataw ng parusa?!
‘Di ba, SILG Mar?!
Hindi dapat ipagsawalang bahala ang trahedya sa Valenzuela
ISA na namang kalunos-lunos na trahedya ang sumampal sa mukha ng sambayanan na sa unang tingin ay dahil sa kapabayaan at kahirapan.
Kamakailan, nabasa pa natin sa mga pahayagan na natuwa umano ang Malacañang dahil lumiit daw ang bilang ng mga nagugutom sa bansa.
Ayon daw sa survey, tatlong milyon na lang umano ang nagugutom sa bansa.
Baka matuwa ang Malacañang kasi 72 mahihirap na manggagawa ang nabawas sa tatlong milyong Pinoy na nagugutom.
‘Yan po ‘yung 72 manggagawa na natupok sa pabrika ng tsinelas (Kentex Manufacturing) sa Brgy. Ugong, Valenzuela, City na pag-aari ng isang Veato Ang.
Kung pag-uusapan ang mga pamantayan na itinatakda ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, litaw na litaw na mayroong matinding paglabag ang nasabing pabrika.
At kung mayroong mga paglabag, bakit nakalusot sa Valenzuela local government, sa Department of Labor and Employemnt (DOLE) at sa Bureau of Fire?!
Alam natin na hindi nag-iisa ang Kentex Ma-nufacturing sa mga paglabag na gaya nito. Alam natin na maraming ganyan sa Valenzuela at sa kanugnog lugar na tinaguriang industrial area.
Pero ang higit na nakalulungkot, sa kabila ng hilatsang pagpapaunlad ng mga Gatchalian sa Valenzuela City, nanatili ang mga problemang gaya nito sa hanay ng iba’t ibang industriya.
Noon pa mang panahon ng Martial Law hanggang ngayon, marami pa rin pabrika ang lumalabag sa batas paggawa.
At kahit talamak ang paglabag, marami pa rin tayong mga kababayan ang napipilitang magtrabaho dahil mayroon silang pamilya na kailangang buhayin. Mga anak na dapat pag-aralin at iba pang pangangailangan na kailangan nilang pagsikapang maibigay sa kanilang pamilya.
Kasama sa mga kababayan nating ‘yan, ‘yung 72 manggagawang tinupok ng apoy sa Kentex Manufacturing. Sila ‘yung piece rate workers o binabayaran batay sa kung ilan ang nagawa nilang produkto. Hindi minimum wage at lalong wala silang mga benepisyo.
Kumakapit sila sa ganitong sistema dahil kailangan nilang mabuhay at para huwag magutom ang kanilang pamilya.
Sana, matapos makapagpagawa ng Museum, ng kalsada, ng mga paaralan, isunod ng mga Gatchalian ang pabahay…
At higit sa lahat, isulong nila ang makataong paggawa para sa lahat ng mga manggagawang nagtatrabaho at naninirahan sa kanilang lungsod.
Dapat patunayan ngayon ng mga batang Gatchalian na mali ang mga manggagawa ng Wellex na nagwelga noon laban sa kanilang tatay na si William Gatchalian dahil sa isyu ng hindi makataong paggawa.
Aanhin ng mga taga-Valenzuela ang hilatsang maunlad sa impraestruktura sa kabuuan ng lungsod kung talamak naman ang paglabag sa saligang karapatan ng mga manggagawa.
Hihintayin pa ba ng mga Gatchalian na magpaulit-ulit ang mga kalunos-lunos na trahedyang gaya nito?
Huwag naman po sana…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com