Pero huli na ang lahat para masawata ang pagsisindi ni Digoy ng lighter na ipinangsulsol sa bahaging plywood na dingding ng gusali na basambasa ng gas. Agad na nag-liyab iyon. At mabilis na kumalat ang apoy.
Ura-uradang pinalipad palayo ng piloto ni Mr. Mizuno ang helikopter.
Pero si Mr. Mizuno mismo ay na-trap sa loob ng opisina ng pabrika. Naghumiyaw nang naghumiyaw sa pagkasindak ang Hapon pero kalaunan, habang nilalamon ng nagngangalit na apoy ang gusali ng pabrika, ang mga sigaw na iyon ay nauwi sa pag-ungol na lamang at pagdaing.
Mahaba-habang oras pa muna ang nakalipas bago nakapagresponde sa sunog ang Philippine Navy na nakatanaw sa pumapa-ilanlang na mga itim na usok. Tupok na ang buong pabrika. Tupok na rin ang bangkay ni Mr. Mizuno.
“Pabrika ang nasunog? May pabrika pala rito ng sardinas…” nasabi ng opisyal ng Navy sa pagkamangha.
“Sir, palagay ko naman, e alam ‘yan ng gobernador… lalo na ng mayor na nakasasakop sa islang ito,” sambot ng tauhan ng opisyal.
Mistulang nabilanggo sa bilangguang walang rehas si Digoy at ang mga kabataang naging trabahador ng pabrika sa isla. Sa kanilang pamumuhay sa pagbabalik sa kanilang bayan, ang bawa’t isa sa kanila ay muling mabibilanggo sa kahirapan.
Kaya ano’t anuman, nakahanda na si Digoy na maghimas ng rehas sa tunay na bilangguan.
(wakas)