Walanghiya
hataw tabloid
April 11, 2015
Opinion
NAPAKAWALANGHIYA ang pakanang pagda-kip dahil sa isang kaso ng libelo sa dating pangulo ng National Press Club at publisher ng ilang tabloid newspapers na si Ginoong Jerry Yap noong hapon ng Linggo ng Pagkabuhay sa Ninoy Aquino International Airport.
Halatang-halata na panghihiya ang layunin nang kilos ng mga pulis-Maaynila dahil isinakatuparan nila ang pag-aresto sa sa panahon kung kailan tiyak nila na hindi makapagpipiyansa si Yap at matutulog sa bilangguan.
Batay sa kontekstong ito ay malinaw na pagsikil sa karapatang pantao ng isang mamama-yan ang ginawa ng mga pulis-Maynila.
Malinaw pa sa sikat ng Haring Araw na ang pag-aresto kay Yap ay paglabag din sa isang 2010 Memorandum of Agreement na nagbabawal sa ganitong uri ng pang-aabuso ng pulisya sa kapangyarihan. Ang kasunduang ito ay nilagdaan ni dating DILG Secretary Jesse Robredo, PNP Chief Jesus Versoza at Yap, noong siya pa ang pangulo ng NPC.
Ayon sa nasabing kasunduan dapat munang ipabatid sa pamunuan ng DILG, PNP at NPC ang gagawing pag-dakip sa sino mang mamamaha-yag na nahaharap sa kasong libelo. Ayon sa aking mga impormante ay hindi ginawa ng mga pulis-Maynila ang mga hakbanging ito.
Ipinagbabawal ng MOA ang paghahain ng warrant of arrest sa mga mamamahayag mula Biyernes ng hapon kung kailan sarado na ang mga hukuman hanggang araw ng Linggo maliban na lamang kung ang kinakaharap nilang asunto ay capital offense tulad halimbawa ng pagpatay. Ang libelo ay hindi capital offense.
Ayon na rin sa mga dalubhasa sa batas, ang paghahain ng warrant of arrest sa isang “weekend” kaugnay ng isang minor na asunto tulad ng libelo ay pagkakait ng karapatang pantao lalo na sa isang mamamahayag.
Pansinin na ang pagdakip kay Yap ay naganap matapos makunan ng Hataw photographer na si Bong Son at mailabas sa parehong paha-yagan ang ginawang pag-kadena at pagpaparada sa MPD Headquarters sa UN Avenue ng mga pulis Maynila sa ilang mga pinaghihinalaang kri-minal.
Dahil dito ay iniimbestigahan ngayon ng Commission on Human Rights ang MPD. Hindi tuloy maalis sa ating isipan na paghihiganti ang nagtulak sa MPD para hiyain si Yap sa NAIA matapos bumalik sa bansa.
Hindi dapat palagpasin ng mga mamamahayg ang kabastusang ito.
Si Yap ngayon…tayo naman bukas ang maaaring ganitohin ng mga nasa poder kung hindi tayo kikilos na sama-sama. Dapat na ipanawagan natin na imbestigahan at papanagutin ng pamunuan ng DILG at PNP ang mga opisyales ng MPD na nasa likod ng pang-aabusong ito.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd., Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sahttps://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=ts para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.