“Sasagot ang mga matuwid, “Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy o kaya’y walang maisuot at aming dinamitan? At kailan namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo’y aming dinalaw?” Sasabihin ng Hari, “Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan .” Mateo 25: 37-40
Nang tanungin si Hesus kung ano ang pinakamahalagang utos, ito ang sagot niya: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas. Ito naman ang pangalawa, Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Dito ipinahiwatig ni Kristo ang kahalagahan ng pagmamahal sa kapwa bilang isang patunay ng pagmamahal sa Diyos.
May mga dahilan kung bakit nahihirapan tayong mahalin ang ating kapwa. Isa na rito ay ang pagiging makasarili. Ang mga nangungurakot, nandadaya, nagnanakaw o nanloloko ay hindi iniintindi ang kapakanan ng iba, sarili lamang. Nandyan din ang mga naghahangad muna ng kapalit bago tumulong sa iba. Kapag walang pakinabang, sori na lang. Marami din sa atin, dahil sa karaniwan na lang nakikita sa araw-araw, ay nagiging manhid na sa kahirapan at pangangailangan ng mga kapos-palad tulad ng mga namamalimos, mga taong grasa, mga walang tirahan at ang mga nagkakalkal ng basura dahil walang makain.
Ayon kay Pope Francis, tayong lahat ay taglay ang mukha ni Hesus. Ito marahil ang dahilan upang kayanin niyang yakapin ang isang taong pinangdidirihan dahil sa kanyang hitsura, upang hugasan ang paa ng mga bilanggo at unahin ang mga mahihirap. Nawa’y makita natin lagi ang mukha ni Hesus sa ating kapwa. Tandaan na ang bawat kawanggawa, ang bawat pagtulong o pagkalinga sa ating kapwa ay kayamanang maghahatid sa atin sa tunay nating tahanan. Sa piling ng ating Pangoong Maykapal.
(Ang PAN-BUHAY ay isang pakikipagugnayan sa pamamagitan ng panulat tungkol sa ating buhay espirituwal at sa ating Panginoon na tinatawag din nating “Ang Tinapay (Pan) na Nagbibigay-Buhay”)
ni Divina Lumina