Trabaho sa abroad hindi sagot sa kahirapan
hataw tabloid
January 10, 2015
Opinion
KAPIT minsan sa patalim para mabuhay, ito ang isa sa mga paraan ng ating mga manggagawa dahil sa hindi makataong pagtingin sa kanila ng kanilang mga employer maging ito man ay dayuhan o lokal.
Ito ang nararanasan ng ating mga lokal na manggagawa sa mga pabrika maging sa mga tanggapan ng gobyerno o maging pribado.
Gusto sana ng ating manggagawa na maging regular sila sa kanilang trabaho para kahit papano may mga benepisyo naman silang tatangapin na pensyon mula sa SSS o GSIS lalo sa sandaling sila ay magretiro sa pagta trabaho.
Ngunit sa mga dambuhalang negosyante, hindi nila ito iniintindi dahil sa halip tulungan ang kanilang mga empleyado ay lalo pa nila itong ginigipit at iyong pinapangarap na mga benepisyo ay malabong mangyari.
Magreklamo ka man sa Labor ay wala ring mangyayari dahil maging ang nasabing ahensya ay narerendahan na ring ang mga negosyante upang paboran ang mga ito kung sakaling magkaroon ng usaping legal.
Inaasahan tuloy ang ating mga lokal na mangagawa na 555 o endos, kung bansagan dahil sa tuwing sumapit ang ikalimang buwan sila ay tanggal na naman at maghahanap uli ng panibagong limang buwan na kontrata.
Sila ay magpapatahi at gagastos uli para sa kanilang mga uniporme; hindi maaaring maupo habang nasa trabaho; walang 13th month pay at iba pang labor benefits at kapag umabot na sila ng 28 o 30 years old ay itinitiwalag na silang tuluyan dahil ang turing sa kanila ay mga “gurang” na, kumbaga hindi na sila “chicks” kundi mga “hen” na.
Bawat presidential elections, kayang-kaya kasing buhusan ng mga hari ng mga tycoon o hari ng contractualization ng milyones na campaign donations ang lahat ng tumatakbo sa pagka-presidente. Kaya kung sino man ang manalo sa kanila, may utang na loob na sa mga nagpapairal ng contractualization kaya binabalewala ang pang-aabuso sa contractualized employees.
Ito ay labag sa security of tenure clause ng Constitution at ng Article 280 ng Labor Code. Pulitika ang dahilan kaya hindi naipatutupad ang batas laban contractualization.
Lumalaganap ang sexual harassment sa hanay ng mga contractual na salesgirls sa shopping malls, restaurants, factories at iba pang mga negosyo na nagpapairal ng contractualization dahil sila ay puwersahang pinapi-pirma ng mga employment contracts na tumatagal ng 5 months lamang.
Para seguradong ma-rehire for another 5 months ang ilan ay pinapipili ng ilang manyakis na amo ng ganito trabaho ngunit ito ay may kapalit na, lie down o ma-layoff.
Walang ibang makakatulong sa mga 555 o endos kundi ang mga sarili nila sa pamamagitan ng pagbuo o pagsali ng isang samahan na Rose (Respect Our Security of Employment).
Ito ay pangungunahan ni Congressman Roy Seneres, na naging dalubhasa pagdating sa mga suliranin sa pag gawa dahil sa kanyang karanasan bilang dating Chairman ng National Labor Relation Commission (NLRC)
Sya ngayon ang kinatawan Partylist na OFW sa Kongreso na naglalayon na bigyan ng proteksyon ang mga samahan ng Overseas Filipino Workers (OFW).
Dagdag pa ni Señeres, ito lang ang tamang paraan upang magkaroon ng lakas ang mga manggagawa upang labanan ang hindi makataong gawain na nagsasadlak sa hirap at dusa sa mangagawa na kung hindi ito lalabanan, hanggang kaylan magiging api ang mga manggagawa.