Thursday , December 26 2024

Sino ang dapat managot sa pagpaslang kay Nerlie Ledesma!?

00 Bulabugin jerry yap jsyNAKATATAKOT na dumarating tayo sa panahon na wala tayong magawa kundi makiramay at kondenahin ang pamamaslang sa isang kasama sa larangan na ating ginagalawan.

Sa Bisperas ng translasyon ng Itim na Nazareno at ilang araw bago dumating si Pope Francis sa bansa, buena mano ang dugo ni Nerlita “Nerlie” Ledesma, isang mamamahayag na nakabase sa Bataan at news reporter ng pahayagang Abante sa taon 2015.

Ilang oras bago ang pagpaslang kay Nerlie, 10 mamamahayag at 2 empleyado ng satirical newspaper na Charlie Hebdo sa France ang naging biktima ng pananalakay ng isang grupo ng armadong kalalakihan.

Kahapon dakong  8:05 am, Enero 8, patay na bumulagta si Nerlita “Nerlie” Ledesma, 48, nang paulanan ng bala ng dalawang armadong lalaki na kapwa naka-motorsiklo habang naghihintay ng kanyang masasakyan ilang metro mula sa kanilang tahanan sa Barangay Tuyo, San Rafael, Tagnai, Bataan.

Gaya sa France, ang mga suspek sa pagpaslang kay Nerlie ay naka-sunglasses, naka-bonnet at naka-jacket.

Nakasakay ang mga suspek sa isang itim, at puting motorsiklo.

Noong Setyembre 13, 2011, ang bahay nina Nerlie ay pinaulanan din ng bala. Umabot sa 26 basyo ng M-16 armalite ang nakuha sa harap ng bahay nina Nerlie.

Nagkabutas-butas ang bubong ng bahay nila noon. Wala si Nerlie at tanging ang kanyang asawa at 14-anyos na anak na babae ang naroroon.

Kinondena ito ng Bataan Press Club. Nang panahon na iyon si Nerlie ang presidente ng Tagnai Homeowners’ Association.

Si Ledesma ay ika-172 pinaslang na mamamahayag mula noong 1986 at ika-31 sa ilalim ng administrasyon ni Benigno Aquino III.

Bilang mamamahayag, ano ang pwede nating gawin? Kondenahin na lang lagi ang pamamaslang, sisihin ang pulisya dahil walang deterrent ang kanilang mga aksiyon laban sa mga kriminal? Lalo sa partikular na kasong ito na hindi man lang naiharap kung sino ang nagpaulan ng bala sa tahanan ng mga Ledesma? Gunitain ang mga panahon nang si Nerlie ay nagko-cover pa sa Western Police District (WPD) at National Bureau of Investigation (NBI)?

At pagkatapos nating gawin ito ay sabihin nating REST IN PEACE (RIP) Nerlie… ‘til we meet again?!

Utang na loob!

Mayroon nang banta sa buhay si Nerlie noong 2011, hindi man lang ba nag-alok ang PNP Police Security and Protection Office (PSPO) ng bodyguard kay Nerlie lalo’t nanganganib ang buhay ng buong pamilya?!

Dahil walang pambayad sa magba-bodyguard sa kanya kaya hindi inalok ng PSPO?! Pero ang ilang civilian at media na may kuwarta ay sandamakmak ang bodyguard?!

Sonabagan!!!

Kailan natin mararamdaman na ligtas ang bawat mamamayan dahil nagpapasweldo tayo ng sandamakmak na pulis pero hindi natin makita sa kalye?!

Isa lang ang paulit-ulit nating sinasabi, police visibility lang kaya nang panghinain ang loob ng mga kriminal.

Dapat na nga sigurong purgahin ang Philippine National Police (PNP), ‘di ba PNP OIC Gen. Leonardo Espina?!

May kulong pala sa taong sobrang kaepalan?

WALA tayong masamang tinapay kay epal este tourist guide Carlos Celdran.

Pero ang pambabastos sa pananampalataya ng kapwa ay hindi natin kinikilingan.

Inirerespeto natin na sabihin niya kung ano ang saloobin niya tungkol sa isang relihiyon o paniniwala pero para pasukin ang teritoryo nito at doon umepal at tila gustong ipakita sa sambayanan na siya ay bastos at matapang, parang wala na sa hulog ‘yan.

Hindi natin alam kung ano ang itinuturo ni Carlos Celdran sa mga tourist na napipili siyang tourist guide pero nakatatakot na baka ‘sinasalsal’ (sensationalism) na ni Celdran ang ating kasaysayan?

Sana naman ay hindi.

Masyado sigurong apektado si Celdran sa ambience ng Intramuros na tila namumuhay pa sila sa panahon ng mga Kastila kaya nang pasukin ang Manila Cathedral ay buong tapang na itinaas ang kanyang placard na may nakasulat na Padre Damaso.

Sa totoo lang, nagtawanan ang ilang parokyano, nahindik ang mga manang at manong pero hindi kumibo ang Obispo.

Pero pagkatapos ng nasabing insidente mas marami ang hindi pumabor sa ginawa ni Celdran.

Pwede naman niyang gawin iyon sa labas ng simbahan, bakit kinakailangan pa niyang pumunta sa altar.

Sa 23-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Carmelita Salandanan-Manahan ng CA 12th Division, sinasabing hindi nagkamali si Metropolitan Trial Court Branch 4 Judge Juan Bermejo Jr. nang hatulan ng parusa si Celdran dahil sa kasong paglabag sa Article 133, o offending religious feelings.

Si Celdran ay hinatulan ng pagkakulong na dalawang buwan at 21 araw hanggang isang taon at 11 araw dahil sa panggugulo at pagsigaw sa loob ng Manila Cathedral.

Nais ni Celdran na tumigil ang Simbahan sa pakikilahok sa usaping kinasasangkutan ng pamahalaan habang hawak ang placard na may nakasulat na “Damaso,” tumutukoy kay “Padre Damaso,” ang kontrabidang pari sa nobela ni Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere.

“The RTC was correct when it found that in conformity with one’s right to free exercise of religion, the faithfuls may, within the limit set by laws, rightfully practice and observe their beliefs, unimpeded by unfair interference from other people… It goes without saying that those people observing certain form of religion or sect are equally entitled to the state’s protection as any of its citizens,” sabi ng appellate court.

Moral lesson: Next time dahan-dahan ang pag-epal.

Kasama ba sa nakasuhan si Garlic Queen? (nasaan na siya!?)

HINDI raw kukulangin sa 119 katao ang kakasuhan ng Department of Justice (DoJ) dahil sa pagka-kartel ng bawang at sibuyas.

Grabe kasi ang itinaas ng presyo ng bawang at sibuyas kamakailan pero hindi po ito natural na dahilan kundi dahil sa pagka-kartel ng ilang importer.

Kinilala ni Department of Justice (DoJ) Secretary Leila de Lima ang isa sa mga kakasuhan na si Clarito Barron, dating direktor ng Bureau of Plant and Industries (BPI).

Partikular sa isasampang kaso ang paglabag sa Republic Act 3019 Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Article 210 ng Revised Penal Code o direct bribery, at Presidential Decree 1829 o Penalizing Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders.

Kakasuhan si Barron dahil sa sinasabing pagtanggap ng P240,000 noong panahon ng kanyang panunungkulan kapalit ng pag-isyu ng apat na import permits kay Lilibeth Valenzuela.

Habang ang kasong paglabag sa Republic Act 3019 ay may kaugnayan sa pagbibigay ng “undue favour” sa Vegetable Importers, Exporters and Vendors Association of the Philippines (VIEVA) na pinangungunahan ng isang Lilia M. Cruz alyas Leah Cruz. Nabigyan din ang grupo ng import permit kahit hindi pa kuwalipikado ang VIEVA.

Sinabi ni De Lima, bagama’t may shortage sa suplay ng bawang noong nakaraang taon, pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo nito ang ginawang pagkontrol ng mga respondent sa supply at pagtatakda ng presyo ng nasabing produkto.

Bukod kay Barron, kabilang sa mga kakasuhan sa Ombudsman ng paglabag sa RA 3019 ay sina Merle Bautista Palacpac, officer-in-charge ng Plant Quarantine Service ng BPI; Luben Quijano Marasigan, dating hepe ng Plant Quarantine Service ng BPI; Lilia Matabang Cruz ng kompanyang VIEVA na nakabase sa Santa Rosa, Nueva Ecija; Rochelle Diaz at 113 iba pa.

Dagdag ni De Lima, kakasuhan din si Cruz ng paglabag sa Article 178 ng Revised Penal Code dahil sa paggamit ng ‘fictitious name.’

Kakasuhan din ng paglabag sa Section 3 ng RA 3019 o dahil sa pagiging signatory sa ibinigay na import permits sina Barron, Palacpac at Marasigan.

Kakasuhan din ng NBI ng paglabag sa RA 7581 o Price Act o cartel, at Article 186 ng Revised Penal Code on monopolies sa DOJ si Cruz at 126 iba pa.

Sana ay maging aral ito sa mga mahilig magpalusot at gustong magkamal ng salapi sa pinakamabilis na paraan pero ang nagdudusa ay ang mga pobreng magsasaka natin.

Tanong: nasaan na si Leah bawang? Mahuli pa kaya siya!?

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About hataw tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *