MAY mga nagsasabing napapanahon na ang suspensyon na iniutos ng Ombudsman noong isang linggo laban kay Philippine National Police (PNP) chief Director-General Alan Purisima.
Nasangkot si Purisima sa ilang kontrobersya na nagresulta sa mga reklamong graft at plunder, kabilang na ang mga alegasyon na ang kanyang opisyal na tahanan bilang hepe ng PNP sa Camp Crame na tinawag na “White House” ay ipinatayo gamit ang mga ilegal na donasyon, at hindi maipaliwanag na yaman sa kanyang ari-arian sa Nueva Ecija.
Gayunman, ang iniutos na anim na buwang suspensyon kay Purisima noong Huwebes kasama ang 11 ibang opisyal ng PNP ay batay sa reklamong graft na isinampa noong Oktubre, sa maanomalya umanong kontrata na pinasok ng PNP sa Werfast Documentary Agency kaugnay ng bayad sa pagdedeliber ng kard ng lisensya ng baril noong 2011.
Napag-alaman umano ng mga tagasiyasat ng Ombudsman na inaprubahan ni Purisima ang serbisyo ng Werfast kahit na wala ang kinakailangang akreditasyon mula sa PNP Firearms Explosive Office at Department of Science and Technology-Postal Regulation Committee.
Nalantad din sa imbestigasyon ang kuwestiyonable raw na track record ng Werfast na may limitadong paid-up capital na P65,000, hindi pagbabayad ng buwis mula 2011 hanggang 2013 at ibang mga pagkukulang.
Bukod sa katotohanang puwedeng magsampa ng motion for reconsideration ang hepe ng PNP at ibang akusadong opisyal ay puwede rin niyang labanan ang utos na suspensiyon at magsampa ng temporary restraining order (TRO).
Dahil hindi nawala kailan man ang tiwala ni President Aquino sa hepe ng PNP bunga ng matagal nilang pagkakaibigan sa kabila ng mga alegasyon ng katiwalian, may mga nagsasabing malilinis ang pangalan ni Purisima sa katapusan ng istoryang ito, pero hindi ang iba pang opisyal ng PNP na sinampahan ng reklamong graft. Dapat may managot.
Makikita ba natin na sinisibak sa puwesto ang isang hepe ng PNP nang dahil sa akusasyong pagnanakaw sa gobyerno, o babangon siya nang hindi man lang nasasaktan sa pagkakagulo? Muli kayang mapatutunayang totoo ang matandang kasabihang may pakinabang ang magkaroon ng mga kaibigan sa matataas na puwesto?
***
Pinuri ni Amnesty International Secretary General Salil Shetty ang polisiya ng ating bansa laban sa torture at larawan bilang kampeon ng karapatang pantao, pero desmayado siya sa malawakan umanong pagpapahirap ng mga pulis sa kanilang mga hinuhuli.
Ang kanilang 2014 report, “Above the law: Police torture in the Philippines,” ay sumentro sa mayorya ng mga ulat ng pag-torture ng mga pulis sa mga aktibistang pampolitika, pangkaraniwang mga lalaki, babae at menor de edad na mula sa mahirap na pamilya, upang pilitin silang umamin sa krimen kahit na may umiiral na “Anti-Torture Act of 2009.”
At kahit maraming reklamo na ang naisampa laban sa mga pulis at sundalo, tinukoy ni Shetty na wala pang nahahatulan sa paglabag sa batas laban sa pag-torture hanggang sa kasalukuyan.
Nagkasala man o hindi ang isang inaresto ay hindi siya dapat pahirapan. Paano natin aasahang matatapos ang kultura ng karahasang ito na ginagawa kadalasan sa mahihina at maralita, kung batid ng mga may sala na wala silang dapat ikatakot sa sobrang bagal nating sistema ng hustisya?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert Roque Jr.