MARAMI ang nagbunyi nang lumabas ang desisyon ng Sandiganbayan na guilty sa kasong graft ang pitong dating opisyal ng Quezon City at dalawang negosyante, kaugnay ng sunog na tumupok sa Ozone Disco noong Marso 18, 1996.
Ang trahedya sa Ozone Disco sa Timog Avenue, Quezon City ay isa sa pinakagrabeng insidente ng sunog na naganap sa ating bansa. Ang bilang ng nasawi ay 162 at 93 ang sugatan, na karamihan ay mga estudyante ng high school at kolehiyo na nagdiriwang lang ng pagtatapos ng school year.
Sentensyadong makulong ng anim hanggang 10 taon sina dating city engineer Alfredo Macapugay at ang anim sa kanyang mga tauhan, at pinagbawalan silang magtrabaho muli sa gobyerno. Ganu’n din kahaba ang bubunuin sa kulungan nina Hermilo Ocampo at Ramon Ng, kapwa stockholders ng Westwood Entertainment Co. na may-ari ng Ozone.
Ayon sa korte ay nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng naturang mga opisyal at negos-yante para makapaglabas ng building permit para sa Ozone, nang hindi sinusunod ang mga probisyon ng National Building Code kaugnay ng estruktura at pamantayan ng kaligtasan nito.
Ilan sa mga nalabag sa Ozone ay ang pinto nito na nagbubukas papasok ng disco. Ang kumpol-kumpol na bangkay malapit sa pinto ay patunay na sabay-sabay nagtangka ang mga biktima ngunit nabigo na makalabas dito.
Ang naturang makipot na pinto rin ang nagsisilbing “exit door” dahil ang alternatibong daan palabas ng disco na matatagpuan sa VIP lounge ay naharangan ng sofa at tangke ng LPG, at patungo lang sa isang fire wall.
Pero nagtagumpay na nga kaya ang kaanak ng mga biktima sa Ozone, o tuloy pa rin ang kanilang laban? Ang mga nahatulan sa kaso ay puwede pa rin palang dumulog sa Supreme Court upang iapela ang desisyon ng Sandiganbayan, at wala pang katiyakan sa kahihinatnan nito.
Mahigit 18 taon ang inabot bago lumabas ang desisyon sa naganap na sunog. Ang ilan umano sa mga nakaligtas sa trahedya ay yumao na rin. Sa takbo ng paglilitis sa bansa, ilang taon kaya ang bibilangin bago tuluyang makamit ng mga biktima at kaanak ng nasawi ang hustisyang ina-asam?
***
Hindi na maibabalik ang mga buhay na nawala sa nasunog na Ozone Disco, pero magagawang maiwasan na maulit pa ang ganitong trahedya.
Ang kailangan ay tunay na paghihigpit at pagbabantay ng mga opisyal ng gobyerno para matiyak na ang mga establisimiyento ay sumusunod sa mga itinakdang regulasyon at ordinansa upang maiwasang magkasunog.
Pero ang totoo ay hindi pa rin tayo natututo sa kabila ng karanasan sa Ozone. Masipag lang tayo, lalo na ang mga opisyal ng gobyerno, habang mainit at napag-uusapan ang isyu. Ningas-kugon lang ang ipinakikitang pagsisikap na habang nagtatagal ay nakalilimutan nang tuluyan.
Aminin man nila o hindi, karamihan ng ne-gosyong tumatakbo ay hindi sumusunod sa mga inilatag na patakaran, dahil sa nakasanayang sistema na hangga’t makalulusot ay lulusot.
Kampante sila dahil na rin sa mga opisyal ng gobyerno na handang magbulag-bulagan sa nakikitang pagkukulang kapag nasuhulan, kahit na malagay sa peligro ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Kailan ba magbabago ang nakasusukang kalakarang ito?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View
Robert Roque