ISANG kongresista sa lalawigan ng Cavite ang nag-iisip ngayon kung kanyang sasampahan ng reklamo ang isang Immigration Officer (IO) na umano’y ‘bumastos’ sa kaniya kamakailan.
Ang low profile Congressman ay patungong Shanghai China upang dumalo sa pakikipagpulong sa kanilang Chinese counterparts nang maganap ang ‘BI I Don’t Care Scheme’ incident.
Palibhasa ay simpleng tao at walang garbo sa katawan si Cavite Congressman, wala rin mga liaison officer o alalay na kasama ang mambabatas habang nakapila sa NAIA T-1 Departure Area.
He is set to board a China Southern Airlines flight CZ 376.
Isang IO PASCUA umano ang nasa IMMIGRATION counter at napunang medyo lumampas sa yellow line si Congressman kung kaya’t sinabihan siya na: “Umatras ka nga!”
Take note: Exclamation point ‘yun dahil mataas ang boses at parang galit.
Umatras naman si Congressman na yuko ang ulo. Nasaksihan daw ang eksena ng ilang pasaherong nakasabay sa pila ng kinatawan ng mga Caviteño.
Pero after na tumalima ng kongresista ay sinabihan pa umano ni IO Pascua ng: “Bingi ka yata!?”
Sa pagkakataong iyon medyo nairita na si Cong. dahil sumunod na nga raw siya sa gusto ng IO at nag-sorry pa tapos sasabihan pa siyang: “Bingi!”
Kung anoman ang maging desisyon ni Congressman sa hindi magandang trato sa kanya ng IO ay panahon na lamang ang makapagsasabi nito.
BI Comm. Fred Mison, mukhang salungat itong si Pascua sa programa n’yong BI CARES? I Don’t care ‘ata ang alam ng batang ito Sir!?
Pero sana ay huwag padalos-dalos ang mga batang IO sa kanilang pagganap ng tungkulin. ‘E kung sa isang mambabatas ganyan na ang asal nila, what more sa mga ordinaryong pasahero!?
Paano nga naman irerespeto at igagalang ang uniporme ng Bureau of Immigration kung ganyan ang asal ng isang IO!?
Sonabagan!!!
Piece of advice ko lang sa mga bagitong IO, kung may konting pagkukulang sa panig ng mga pasahero please be sober and broadminded para maiwasan ang ano mang problema sa panig n’yo.
At sa ‘yo naman IO Pascua, kung hindi mo babaguhin ang attitude mo tiyak may makakatapat ka rin!