Kinalap ni Tracy Cabrera
NITONG nakaraang linggo, maaaring nakakuwentuhan mo ang iyong kaibigan o kasamahan sa trabaho ukol sa isang taong pareho n’yong kilala. At ang paksa? Isang bagay na ‘none of your business’ o wala kang pakialam.
Simple lang, ikaw ay naging tagahatid ng tsismis.
Maaaring makaramdam ng ‘di maganda sa puntong ito dahil inilarawan ko ang iyong ginawa, pero guess what? Ang siyensya ay mayroong paliwanag para sa mga taong mahilig sa tsismis. Hindi na kailangan maging guilty sa pagtsismis sa buhay ng iba. Tumigil.
Napag-alaman sa isang pag-aaral ng mga Dutch researcher sa Personality and Social Psychology Bulletin na dapat din nating tanggapin ang pag-uusap tungkol sa iba bilang natural na bahagi ng ating buhay na nakatutulong sa atin para magkaroon ng self-reflection at self-evaluation. Sa madaling salita, hindi natin ito ginagawa para lang makasakit sa iba; ginagawa natin ito para baguhin natin ang ating sarili para bumuti tayong mga tao.
“May tendency ang mga ‘gossip recipients’ (tumatanggap ng tsisimis) na gamitin ang positibo at negatibong group information para mag-improve, mag-promote, at mag-protect sa sarili,” ayon kay Elena Martinescu, ang lead researcher sa University of Groningen, Netherlands. “Kailangang ma-evaluate ng mga individuwal ang impormasyon ukol sa iba para ma-evaluate din nila ang kanilang mga sarili.”
Sa pag-aaral, tinanong ang 183 katao para i-recall ang isang insidente na nakarinig sila ng alin man sa positibo o negatibong tsismis ukol sa ibang indibiduwal. Kasunod ay tinanong naman sila ng serye ng mga katanungan ukol sa ano ang naramdaman nila sa tsismis. Parehong ginamit ng nakarinig ang positibo at negatibong kuwento ang impormasyong nakalap para mag-isip ukol sa kanilang sarili at pamumuhay, at hindi para laitin ang paksa ng usapin.
“Kontra sa pangkaraniwang paniniwala,” lumabas sa pag-aaral, “hindi intensyon ng karamihan ng negatibong tsismis ang makasakit kundi makasaya sa nagtitsismis at tumatanggap ng tsismis.”
Gayon pa man, sinabi rin ni Martinescu na ang findings ng pag-aaral ay limitado sa pagtitsismis ng mga taong kilala natin, at hindi yaong mga celebrity.
“Iba ang celebrity gossip sa tsismis ukol sa taong kilala natin, dahil ang mga celebrity ay malayo at hindi tulad natin kaysa mga taong nasa paligid,” aniya. “Kinokompara ng mga taong nakaririnig ng tsismis sa kanilang target at nagsasagawa ng konklusyon sa kanilang sarili.”
Kaya kung hindi rin naman pinapatulog ang inyong sanggol sa US$4,000 Lucite crib, ang itsismis kung paano ini-spoil ni Kim Kardashian ang kanyang anak na si North West ay hindi makatutulong para tayo ay maging mabuting magulang.