MASYADONG nakahihiya para sa lahing mapagpakumbaba na mga Bulakenyo ang inasal ni Bulakan (Bulacan) Mayor Patrick Meneses. Bilang alkalde, batid niya ang utos ni Pangulong Aquino laban sa mga “utak wangwang” pero waring hinamon niya ang Punong Ehekutibo nang masangkot ang kanyang mga bodyguard sa away-kalye sa Congressional Ave. Ext. sa Quezon City nitong Oktubre 27.
Masyadong paimportante si Meneses na sa halip magsalita para sa sarili, ay deny-to-death sa pamamagitan ng text messages sa kanyang BFF o best friend forever na si Pandi Mayor Enrico Roque, president ng League of Municipalities of the Philippines (LMP), Bulacan chapter. Bise presidente si Meneses ng LMP-Bulacan pero ginawa niyang utusan si Roque kaya lumalabas na siya ang sinusunod ng alkalde ng Pandi.
Kung sa bagay, matagal na ang relasyon ng tambalang Roque-Meneses (O Meneses-Roque) lalo sa tsismis sa magkasosyo sila sa illegal quarrying operations sa Pandi. Kaliwa’t kanan ang pagsososyo nila sa mga negosyo kaya tiyak na kapag wala na sila sa politika ay tuloy-tuloy ang kanilang magandang pamumuhay. At kahit pakasalan pa ni Meneses ang aktres na si Ara Mina, nariyan lang sa tabi-tabi si Roque kapag mayroon siyang problema.
Pero bakit tila walang dugo ni Gen. Gregorio del Pilar o Benigno Ramos o Jesus Lava itong si Meneses na “natiyope” at hindi makapagsalita sa tunay na pangyayari? Kung totoong wala siya sa kotseng nakagitgitan ng sasakyan ni University of the Philippines Professor Elizabeth Pangalangan, director of the Institute of Human Rights sa UP Law Center, bakit hindi niya diretsahing sabihin sa mga mamamahayag ng Bulacan?
Paano kung hindi misis ni Philippine Daily Inquirer publisher Raul Pangalangan ang tinutukan ng baril ng sekyu niyang lulan ng silver Innova at karaniwang mamamayan lamang?Lusot na lusot siya ‘di ba?
Dahil dito, hinikayat ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang mga mamamayang maging alerto at magsumbong sa DILG ukol sa anumang uri ng paggamit ng ‘utak wang-wang’ ng ilang opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan.
Ani Roxas: “Mahigpit na ipinagbabawal ang utak wang-wang sa Tuwid na Daan,” giit ni Roxas sa isang liham para sa patnugutan ng PDI. “Nakatutok po ang DILG dito at hindi maaaring walang managot sa pangyayari.”
Sabi pa ni Roxas, habang sinisiyasat ng mga awtoridad ang nangyari ay dapat na maging alerto ang mga mamamayan sa ganitong uri ng pag-abuso sa kapangyarihan ng ilang politiko.
Dagdag ng kalihim: “Alam nating hindi ito ang unang beses, at hindi rin ito ang magiging huli. Kaya kapag mayroon po tayong nasaksihang ganitong mga pangyayari, isumbong po natin sa DILG para maaksiyonan natin kaagad.”
Kinasuhan na sa National Bureau of Investigation (NBI) ni Prof. Pangalangan ang mga sangkot sa “road rage” at nasa desisyon na ni Meneses kung “magpapakalalaki” siya at haharapin ang ginawa ng kanyang sekyu sa ngalan ng “command responsibility.”
Ariel Dim. Borlongan