SA paggawa, dapat na unang tiyakin ng Department of Labor (DOLE) at anumang kompanya, lokal man o dayuhan, ang kaligtasan ng lahat ng empleado o obrero. Malapit sa puso ko ang uring manggagawa kaya ito ang paksa ng karamihan sa aking mga tula lalo noong aking kabataan.
Nang buksan ang tabloid na Abante noong 1980s, personal kong hiniling sa kababayang publisher na si National Artist Virgilio S. Almario (alyas Rio Alma) na magbukas ako ng kolum tungkol sa unyonismo kaya araw-araw na tinatalakay namin sa “Ang Unyon” ang daing ng mga manggagawa na nasa welga, piketlayn at demonstrasyon.
Nakalulungkot na hanggang ngayon, aping-api pa rin ang uring manggagawa. Mas masama ang madalas na nagaganap sa Hanjin Shipyard sa loob ng Subic Bay Freeport. Sa pinakahuling ulat, umabot na sa 38 obrero ang natodas habang nagtatrabaho roon. Pero inamin sa akin ng isang manggagawa roon na marami pang namatay sa loob ng Hanjin na nasa Redondo Peninsula sa Barangay Cawag, Subic, Zambales na hindi na ipinabatid sa mga awtoridad. Ibig sabihin, news blackout.
Nitong Setyembre 11 namatay ang ika-38 biktima na kinilalalang si Jerwein Lopera Labaja, 23, binata, makaraang maipit ng makinaryang gamit niya sa loob ng shipyard.
Ang aksidente ay ipinabatid ng mga kasapi ng Samahan ng mga Manggagawa sa Hanjin Shipyard (SMHS) na humiling na huwag banggitin ang kanilang mga pangalan sa takot na sila ay tanggalin sa trabaho ng pamunuan ng Hanjin Heavy Industries Corporation Philippines.
Binanggit din na ang aksidente ay ipinagbigay-alam na sa tanggapan ng DOLE at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) pero wala pa rin inilalabas na resulta o aksiyon ang dalawang ahensiya.
“Lagi na lamang nilang (SBMA at DOLE) sinasabing nagsasagawa na sila ng hiwalay na imbestigasyon, pero ganoon pa rin ang resulta at patuloy na namamatay ang mga manggagawang Filipino sa Hanjin Shipyard,” pahayag ng grupo laban sa kompanyang South Korean.
Nais nila na papanagutin ang Hanjin upang maipatupad ang mga hakbangin para sa isang ligtas at malusog na kapaligiran sa paggawa.
Sinabi pa ng mga manggagawa na ang Hanjin ay naging sentro ng imbestigasyon ng Senado noon pero sa kabila na maituturing itong malahiganteng kompanya ay hindi nakapagpatayo ng ospital sa loob ng shipyard na taliwas sa rekomendasyon ng Mataas na Kapulungan.
Ang mas malungkot, si Labaja ang tanging bumubuhay sa pitong kapatid na naulila kaya nanawagan ang SMHS na tulungan ng SBMA at DOLE ang biktima na magkamit ng katarungan sa pangyayari.
May paniwala ang mga manggagawa na dahil sa masyado nang luma ang makinang ginagamit ni Labaja ay nagkaaberya ito at naging dahilan upang maganap ang aksidente.
Sa opisyales ng DOLE at SBMA, magkaroon sana kayo ng kahit kapirasong konsensiya upang papanagutin ang Hanjin sa napakahabang lista-han ng mga obrerong Pilipino na namatay sa loob ng shipyard. Kababayan naman ninyo ang mga biktima kaya sana ay tiyakin ninyo ang kaligtasan ng lahat ng manggagawang naglilingkod sa kom-panyang South Korean. Mahiya naman kayo…
Ariel Dim Borlongan